Inaprubahan na ng korte ang hirit ni Senator Leila de Lima na medical furlough, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Filibon Tacardon.
Aniya, inilabas ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara ang ruling na may petsang Hunyo 15.
Si Alcantara ang humahawak sa kaso ni De Lima kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa paglaganap ng illegal drugs sa National Bilibid Prison.
Gayunman, sinabi ni Tacardon na isinapubliko ang kautusan nitong Biyernes.
Sisimulan aniya ang operasyon sa Hunyo 19, gayunman, hanggang Hunyo 23 lamang ang medical leave nito.
“Na-approve na po ‘yung medical furlough ni Sen. Leila at siya’y nakatakdang pumunta sa Manila Doctors Hospital para sa kanyang medical procedure,” sabi ng abogado nito sa panayam sa telebisyon.
Matatandaang sumailalim si De Lima sa medical check-up nitong Abril 5 at natuklasang mayroon itong pelvic organ prolapse stage 3 at pinayuhang sumailalim kaagad sa vaginal hysterectomy with anterior and posterior colporrhany sa lalong madaling panahon.
Iniutos pa ng korte na ibalik kaagad si De Lima sa Philippine National Police (PNP)-Custodial Center kung saan ito nakakulong mula nang maaresto ito noong Pebrero 2017.