Umaapela pa rin ang mga transport group na dagdagan na ng gobyerno ng hanggang ₱5.00 ang pasahe sa public utility jeepney (PUJ) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Malaki rin pong naitutulong ng piso dahil medyo madadagdagan po ‘yung kita nila, pero sa totoo lang po eh kulang na kulang po talaga dahil sobrang mahal po ng ating krudo ngayon,” paglalahad ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) president Liberty de Luna nang kapanayamin sa telebisyon nitong Biyernes.
Aniya, humihirit pa rin sila na gawing ₱5.00 ang dagdag sa pamasahe.
Nitong Hunyo 7, pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dagdagan ng ₱1.00 ang pamasahe sa mga pampublikong jeep sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
“Sa una man, ako po’y humihingi po ng pasensya sa ating mga mananakay at kami po ay humihingi ng pagtaas ng pamasahe dahil po talagang, sobrang hirap na po ang ating mga operators at drivers natin. Medyo talagang halos hindi na po kumikita ang ating mga operators at drivers dahil nga po sa sobrang mahal. Pero pinagtiyatiyagaan po natin para po kumita lang po sila at makakain at sa pangangailangan po ng pang-araw-araw natin na pagkain at mga bills na kailangang bayaran nila,” pahayag nito.
Kamakailan, isinapubliko ng LTFRB na magsasagawa sila ng pagdinig sa petisyon ng mga drayber para sa nasabing dagdag-pasahe.