Nanawagan ang pamahalaang lungsod ng Maynila na samantalahin na ang huling araw ng kanilang drive-thru vaccination at testing ngayong Lunes, Hunyo 6.
Sa pahayag ng Manila City public information office, hanggang 5:00 ng hapon na lang bukas ang Quirino Grandstand Field Hospital sa Maynila kung saan isinasagawa ang pagtuturok.
Sa abiso ng city government, tinatanggap din sa vaccination site ang mga hindi residente ng lungsod na magpapa-booster shots at magpapa-test laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Matatandaang binuksan sa publiko ang naturang vaccination area noong Enero 13 upang makatulong sa pagpapaigting ng pagbabakuna ng gobyerno.
Mahigit na sa 85,000 indibidwal ang naturukan sa lugar. Gayunman, inihayag ng City Health Department na mahigit na sa 3.4 milyong doses ng bakuna ang naiturok na sa mga residente.
Nilinaw din ng pamahalaang lungsod na patuloy pa rin ang operasyon ng 44 na health center, anim na ospital at apat na shopping mall para sa kanilang vaccination campaign.