Iimbestigahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang insidente ng pamamaril sa grupo ni presidential aspirant Ka Leody de Guzman sa Bukidnon kamakailan.
Paglilinaw ni Commissioner Marlon Casquejo, magsisilbing in charge sa imbestigasyon si Commissioner Aimee Ferolino na chairwoman din ng Committee on the Ban on Firearms and Concerns.
Naging pinuno ng panel si Ferolino matapos magbitiw si Commissioner Socorro Inting bilang protesta sa hakbang ng mga kasamahan nito na nagbigay ng pahintulot kay Chairperson Saidamen Pangarungan na magpalabas ng gun ban exemptions.
“It is under their jurisdiction and now they are conducting an investigation on that matter,” paliwanag ni Casquejo sa isang television interview.
Matatandaang tinatalakay nina De Guzman at senatorial candidates Roy Cabonegro at David D’ Angelo ang usapin sa land-grabbing, kasama ang mga lider ng7 Manobo-Pulangiyon sa Barangay Butong, Quezon nitong nakaraang Martes nang paputukan sila ng hindi nakikilalang grupop.
Sugatan sa insidente ang apat na miyembro ng grupong katutubo at isang volunteer advocate.
Binatikos na ng Malacañang ang insidente at nanawagan sa pulisya na magsagawa ng imbestigasyon.