Pinagpapaliwanag na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kaugnay ng patuloy na operasyon ng online cockfighting (e-sabong) kahit Mahal na Araw.
Pagbibigay-diin ni Senator Francis Tolentino, dapat sana ay nagkaroon ng kaunting paggalang sa tradisyon ng Kristiyano.
“It’s been part of the Filipino culture to recognize our faith-based practices, noticeably on Good Friday. But I noticed that even on Good Friday, contrary to what PAGCOR has been saying that they have been regulating e-sabong, on the very day of Good Friday three days ago, there was e-sabong,” pambungad na pahayag ni Tolentino sa ikaapat na pagdinig ng komite sa pagkawala ng 34 na sabungero kamakailan.
“If PAGCOR is listening, I took note of the fact that several PAGCOR casinos were closed out of respect for the Good Friday commemoration,” aniya.’
Sinuportahan naman ni committee chairperson Senator Ronald dela Rosa ang pahayag ni Tolentino at sinabing nalungkot siya sa nangyari.
“You can just imagine, Biyernes Santo eh patuloy pa rin ‘yung e-sabong. Para bang hindi na nirerespeto ‘yung ating faith and ‘yung ating Catholic church, parang hindi na nirerespeto ‘yung ating belief,” pagdidiin ni Dela Rosa.
Idinagdag pa ni Dela Rosa na kahit ang mga pulitiko ay pansamantala munang tumigil sa pangangampanya dahil na rin sa Semana Santa.
PNA