Mula mismo sa bibig ng Kapamilya actor na si Carlo Aquino na hiwalay na sila ng partner na si Trina Candaza, matapos ang ilang buwang espekulasyon ng mga online marites.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Carlo, matapos ang press conference para sa digital series nilang ‘How to Move on In 30 Days’ katambal ang tinaguriang ‘RomCom Princess’ na si Maris Racal, inamin niyang ilang buwan na rin silang hiwalay ni Trina ngunit civil naman sila pagdating sa pag-aalaga sa kanilang baby girl na si Mithi.
Hindi na idinetalye ni Carlo ang dahilan ng kanilang hiwalayan ni Trina.
Unang pumutok ang mga balitang baka hiwalay na ang Kapamilya actor na si Carlo sa partner niyang modelo na si Trina nang mapansin ng mga katkatera at sawsawera na wala silang posts na magkasama sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Subalit noong Enero 13 ay pareho silang nag-post ng litrato para sa paid partnership/endorsement ng isang produktong diaper, kasama ang kanilang baby girl na si Mithi.
Noong Biyernes, Enero 28, 2022, may pasabog si Trina tungkol sa partner na may pinupuntahan umanong ibang babae. Aniya, hindi na raw magbabago ang isang lalaki na matagal nang sakit sa ulo, bagama’t hindi naman niya binanggit kung ang tinutukoy ba niya ay si Carlo.
“You will really know your worth to your partner if ano magiging actions niya pag wala ka na sa kanya.”
“Kung may pinupuntahan na agad na babae…”
“Wag na kayo umasang magbabago pa ‘yung jowa n’yo na sakit sa ulo, hindi na ‘yan magbabago,” ayon sa FB post ni Trina na talaga namang nakapa-juicy at kinuyog ng mga Marites.
Nadawit pa sa isyu ng kanilang hiwalayan ang dating katambal at ex-jowa ni Carlo na si Kapamilya actress Angelica Panganiban, batay sa pasabog ni ‘Pambansang Lalaking Marites’ na si Xian Gaza.
Mas lalo pang umingay ang isyu nang lumipat ng bagong bahay si Trina kasama ang anak.
Hindi naman pinalampas ni Trina ang isang komento ng netizen sa gitna ng usap-usapan sa umano’y hiwalayan nila ni Carlo Paratang kasi ng Marites, ‘karma’ ang nangyari kay Trina matapos ‘pumatol’ kay Carlo kahit na umano’y karelasyon nito si Angelica.
“Karma is a bitch talaga. Ayos lang ‘yan! Pumatol ka nga kay Carlo noon, ng sila pa ni Angelica eh. Mas masakit talaga kapag binalikan ka ng karma doble yung sakit, Worst is, may anak pa kayo,” walang prenong komento ng isang netizen sa isang Facebook post ni Trina.
“Huh? Hindi naman sila nagkabalikan, sa ‘kin nag-commit ta’s ang labas ako pa ang nang-agaw,” palabang tugon ni Trina.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/01/30/trina-sa-paratang-ng-netizen-na-sinulot-niya-si-carlo-kay-angelica-hindi-sila-nagkabalikan/
Patuloy ding pinag-uusapan ang cryptic post ni Trina na tila pinariringgan daw si Carlo.