Sumakabilang-buhay na ang singer-actor at isa sa mga matinee idol ng ‘That’s Entertainment’ na si Romano Vasquez sa gulang na 51 anyos, noong Enero 23, 6:00 ng gabi, sa kanilang bahay sa Cavite.


Ang nakalulungkot na balitang ito ay mula mismo sa misis ni Romanito Romano Anacan Dila (tunay na pangalan ni Romano) na si Alma Panuelo Dila. Hindi na niya idinetalye pa ang dahilan ng pagkamatay ng kaniyang mister.
Nakiusap ang mag-anak na naulila na igalang ang kanilang pagdadalamhati at humihingi rin sila ng panalangin para sa kaluluwa ng pumanaw na haligi ng tahanan.
Bukod sa kaniyang misis, naulila rin ni Romano ang kanilang apat na ana na sina Angelie Kate, 22 ; Albert, 16 ; Sky, 15 ; at Raven, 8 anyos.
Nakaburol ang mga labi ng aktor sa Imperial Crown Funeral Service sa Purok 6 Barangay De Ocampo, Trece Martires City, Cavite.

Aktibong-aktibo sa kaniyang Facebook si Romano dahil sa kaniyang negosyo, at ang huli niyang post ay tungkol sa dinaluhang online meeting, kaya ganoon na lamang ang pagkabigla ng iba pang mga miyembrong dumalo rito; huling araw na pala iyon na masisilayan nilang buhay ang aktor.
“Ngayon nga lang ako nakapag open camera & nakapagpa-picture with my mentor last na pala ‘yun.”
“Yun na pala yung last na meeting natin Gm Romano.”
“We are shocked and saddened by the news… Rest in peace bro… Our deep condolences Sis Len.”
“You shared your life story with us, you cried with us, you laugh with us. We told you, life is still beautiful and a lot of blessings to come… Just keep on fighting and be brave but you surrendered. Our sympathy to his children and loved ones.”

Sa mga walang masyadong ideya kung sino nga ba si Romano Vasquez, naging bahagi siya ng programa ni showbiz icon German Moreno na ‘That’s Entertainment’ sa GMA Network, miyembro ng Friday group at naitambal sa aktres at TV host na si Shirley Fuentes.
Ilan sa mga kinabilangan niyang pelikula ang “Noel Juico, 16: Batang Kriminal” (1991), “First Time… Like A Virgin!” (1992), “Dark Tide” (1994), “Epimaco Velasco: NBI” (1994), “Suicide Rangers” (1996), “Mariano Mison: NBI” (1997) at “The Secret Of Katrina Salazar” (1997).
Pinasok din niya ang pagpapaseksi sa mga pelikulang “Alipin Ng Aliw” (1998), “Hiram” (2003), “Night Job” (2005), “Astig” (2009), “Mainit” (2011), “Sexventure” (2011), at “Pikit Mata” (2012).
Kalaunan ay pinasok din niya ang pagnenegosyo. Napasama rin siya ibang mga teleserye, iba-ibang live shows bilang isang singer, sa loob at labas ng Pilipinas.

Rest in Peace, Romano Vasquez.