Simula sa Enero 17, Lunes, ay hindi na maaaring sumakay sa mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang mga indibidwal na hindi pa bakunado laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ikinatwiran ng Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong Huwebes, bilang pagtalima ito sa ‘No Vaccination, No Ride/No Entry’ policy ng Department of Transportation (DOtr) sa mga public transportation sa Metro Manila.
“Sa mga minamahal naming pasahero: Simula sa ika-17 ng Enero 2022, ipatutupad ng LRTA ang kautusan ng Department of Transportation na “No Vaccination, No Ride/No Entry” sa pampublikong transportasyon sa National Capital Region,” anang paabiso.
Ang mga bakunadong pasahero lamang umano ang maaaring sumakay sa mga tren ng LRT-2, gayunman, kailangan nilang magpakita ng alinmang government-issued ID at ng pisikal o digital na kopya ng vaccination card na inisyu ng local government unit (LGU), vaccination certification na inisyu ng Department of Health (DOH) at anumang IATF-prescribed document.
Anang LRTA, hindi naman sakop ng naturang polisiya ang mga taong hindi maaaring bakunahan dahil sa kondisyong medikal, gayunman, kailangan ng mga ito na magpakita ng medical certificate na pirmado, may pangalan at contact number ng kanyang doktor.
Hindi rin sakop ang mga taong may medical emergencies at ang mga bibili ng essential goods and services tulad ng, at hindi limitado sa pagkain, tubig, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho at pangangailangang medical at dental na siyang nakasaad sa Barangay health pass o anumang katibayan na siya ay pinapayagang bumiyahe.
Mary Ann Santiago