Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Martes, Enero 11, 2022, ng 28,007 bagong kaso ng COVID-19, sanhi upang umabot na sa mahigit 181,000 ang mga aktibong kaso ng impeksiyon sa bansa habang mahigit tatlong milyon naman ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng sakit.
Batay sa case bulletin #668 na inisyu ng DOH, nabatid na umaabot na ngayon sa 3,026,473 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 6.0% pa o 181,016 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga aktibong kaso, 170,873 ang mild cases; 5,521 ang asymptomatic; 2,863 ang moderate cases; 1,464 ang severe cases; at 295 ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 4,471 bagong gumaling sa sakit, sanhi upang umabot na sa 2,792,946 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 92.3% ng total cases.
Nasa 219 naman ang iniulat na namatay sa karamdaman nitong Martes. Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 52,511 total COVID-19 deaths o 1.74% ng total cases.
Mary Ann Santiago