Humingi ng paumanhin sa publiko ang pamunuan ng Berjaya Makati hotel sa insidenteng kinasasangkutan ng isang guest na umano’y nilabag ang quarantine protocol sa loob ng kanilang establisyimento at dumalo pa sa isang party sa Makati City.
Ang panauhin na kinilala ng opisyal ng gobyerno na isang Pinay na bumalik sa bansa na si Gwenyth Chua ay nagpositibo sa sakit na coronavirus at iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad kung siya ang dahilan kung bakit hindi bababa sa 15 katao na nakipag-ugnayan sa kanya ang nahawa.
Abot-abot ang paghingi ng paumanhin ng pamunuan sa hindi pagpigil sa tinaguriang si “Poblacion girl” na pumuslit sa kanyang quarantine facility.

“The Management sincerely apologizes for failing to stop her from jumping her quarantine. This was the only incident of its kind in the nearly two years that we have served as a quarantine hotel and we will make sure that it is the last,” sabi ng Berjaya Makati sa isang pahayag sa Facebook.
“We can only make up for it by being an exemplar of compliance of moving forward. For now, we are fully cooperating with all government agencies that are conducting their investigations,” dagdag niya.
Sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CDIG), nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) laban kay Chua, hoterl staff at personnel ng Bureau of Quarantine bilang paghahanda sa pagsasampa ng karampatang kaso.
Dumating si Chua sa bansa bago ang Pasko at nilaktawan umano ang mandatory quarantine para sa mga biyahero mula sa ibang bansa.
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat na inamin ni Chua ang paglaktaw sa quarantine at ipinagmalaki pa umano ang kanyang mga koneksyon kung bakit niya ito nagawa. Kalaunan, ang swab test na isinagawa sa kanya ay nagpositibo sa COVID-19.
Inamin ng Berjaya Makati na ang ginawa ni Chua ay isang seryosong paglabag sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19, lalo na sa tumataas na kaso sa Metro Manila at ang pagkumpirma sa Omicron variant.
Tiniyak nito na pananagutin nila ang kanilang mga tauhan na sangkot sa paglabag ni Chua.
“Any employee found errant by commission or omission will be dealt with severely to deter a repeat of what happened,” sabi ng pahayag.
Aaron Recuenco