Apat na katao kabilang ang tatlong bata ang sugatan dahil sa paputok, isang bahay naman ang naiulat na nasunog, at isang tao ang binaril at namatay sa gitna ng selebrasyon ng Bagong Taon sa Muntinlupa.
Maraming tao ang sumalubong sa Bagong Taon sa Muntinlupa sa pamamagitan ng paggamit ng paputok sa kabila ng pagbabawal sa paggamit, pagmamay-ari, at pagbebenta ng mga iba’t ibang klase ng paputok sa lungsod.
FIRECRACKER INJURIES
Ayon sa Muntinlupa City Health Office (CHO), dakong alas-9 ng umaga nitong Enero 1, dalawang lalaki at dalawang babae ang ginagamot sa mga ospital dahil sa firecracker-related injuries.
Isang pitong taong gulang na bata mula sa Putatan ang ginagamot sa Medical Center Muntinlupa. Sa Ospital ng Muntinlupa naman, isang limang taong gulang na babae, isang pitong taong gulang na lalaki mula sa Putatan, at isang 32-anyos na buntis na babae mula sa Putatan ang ginagamot dahil sa naturang injury.
Samantala, isang pitong taong gulang na babae mula sa Silang ang ginamot sa Asian Hospital and Medical Center sa Alabang.
SUNOG
Rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Muntinlupa sa isang sunog sa isang subdivision sa Muntinlupa nitong Enero 1.
Ayon sa BFP-Muntinlupa, isang two-storey house sa No. 77 Ormoc St. sa Alabang Hills Village sa Cupang ang nasunog at itinaas ang unang alarma bandang 12:20 ng madaling araw. Naapula ang sunod dakong 1:07 ng umaga. Patuloy pa rin iniimbestigahan ng mga bumbero ang halaga ng pinsala at sanhi ng sunog.
SHOOTING INCIDENT
Samantala, iniulat ng Muntinlupa police na isang tao ang binaril at namatay sa Alabang Muntinlupa nitong Enero 1.
Sinabi ng pulisya, nangyari ang insidente bandang 1:45 ng madaling araw sa Bautista Compound sa Purok 8.
Kinilala ang biktima na si Jefferson Clima.
MGA NAKUMPISKANG PAPUTOK
Kinumpiska ng Muntinlupa police ang mga paputok para ipatupad ang ordinansang nagbabawal sa paggamit at pagbebenta ng mga naturang bagay sa lungsod.
Nakumpiska nila ang 26 na piraso ng iba’t ibang uri ng paputok bandang alas-11 ng umaga ng Disyembre 31 sa mga Barangay Sucat at Bayanan. Nakumpiska rin ang 473 piraso ng iba’t ibang uri ng paputok nitong bisperas ng Bagong Taon sa Bgy. Alabang at 12 piraso ng paputok naman ang nakumpiska sa Pleasant Village sa Bgy. Bayanan.
Jonathan Hicap