Minamadali na ng Senado ang pag-aapruba sa panukalang mahigit sa ₱5 trilyong national budget para sa 2022 upang maipadala na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang pirma.
Sa panayam kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri nitong Sabado, Disyembre 11, isasagawa nila ang hakbang sa Huwebes at makalipas ang isang linggo ay isusumite na nila ang General Appropriations Bill (GAB) sa Pangulo.
Aniya, pinayagan ng bicameral conference committee panel ng Senado at ng House of Representatives si Senator Juan Edgardo Angara, chairman ng Senate Finance committee at pinuno ng Senate panel, at ang House counterpart nito na upuan at lutasin ang hindi napagkakasunduang mga probisyon ng panukalag budget.
Kabilang lamang sa hindi napagkakasunduan ng dalawang panel ay ang kung magkano ang ilalaan nilang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Nais ng mababang kapulungan na maglaan ng ₱20 bilyon habang ang Senado balak na maglaan ng ₱10.8 bilyon.
Sa kabila nito, umaasa si Zubiri na maayos ng dalawang panel ang kanilang gusot hanggang sa maratipikahan ng dalawang kapulungan ang conference committee report para sa naturang budget bago maipadala ang GAB sa Pangulo.
Mario Casayuran