Dalawang mambabatas ang naghain ng panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng salaping-tulong na P150,000 ang mahihirap na mga Pilipino na nahaharap sa seryosong kalagayan, gaya ng pagkakasakit at pagkamatay ng miyembro ng pamilya.
Sa House Bill 10428 na inakda nina Speaker Lord Allan Velasco at Deputy Minority Leader at Marikina City Rep. Stella Quimbo, nilalayong ma-institutionalize ang ayudang-pinansyal o Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa AICS program, pagkakalooban agad ng tulong ang mga miyembro ng marginalized sectors sa hindi inaasahang krisis o problema, gaya ng pagkakasakit o pagyao ng miyembro ng pamilya.
Sa panukala, itinatadhana ang pagkakaloob ng DSWD cash grants mula P1,000 hanggang P150,000 sa kwalipikadong benepisyaryo, depende sa pangangailangan at uri ng tulong na kailangan, tulad ng pagpapalibing, educational o medical fees.
Kapag ito ay naipasa at naging batas, ang AICS program ay regular na popondohan sa taunang national budget, hindi tulad sa kasalukuyang sistema na ang alokasyon ay depende sa availability o pagkakaroon ng DSWD funds.
“We need to institutionalize the program to make sure that it is always financially and administratively capable to respond to the needs of all Filipinos in crisis situations, ayon kay Velasco.
Sa panig ni Quimbo, sinabi niyang dahil sa umiiral na pandemic, dapat palakasin ang programa sapagkat maraming Pilipino ang nawawalan ng kakayahan na harapin ang hirap at problema sa buhay.
“Families in the lowest income group, earn approximately P9,416 bawat buwan kaya wala silang kakayahan to finance funeral expenses, hospital bills among others should they face such unfortunate incidents,” ani Quimbo.
Bert de Guzman