Nakatanggap ang Philippine government nitong Sabado, Oktubre 16, ng dagdag na 720,000 doses ng Sputnik V vaccine.
Sa pag-uulat, ito na ang pinakamalaking delivery ng Russian-made vaccine sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Ted Herbosa, special adviser to the Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), bandang alas-4 ng hapon nitong Sabado lumapag ang mga kargamento lulan ang bakuna sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport.
Aabot na sa kabuuang 1.3 million doses ang nasabing brand ng bakuna sa bansa.
“We do hope that this will help a lot in our vaccination program,” ani Herbosa.
Sa panibagong dagdag na ito, umabot na sa 92 million ang kabuuang bilang ng mga bakuna na naihatid na sa Pilipinas.
Nasa halos 51 milyong Pilipino na ang nababakunahan magmula ng ilunsad ng bansa ang programa nitong Marso ngayong taon, 24 milyon sa bilang ang fully-vaccinated.
Nagsimula na ring magbakuna ang national government sa mga bata kung saan aabot sa 1,000 ang nakatanggap ng unang dose.
Aaron Recuenco