Mukhang may matinding pinagdaanan ang aktres na si Nadine Samonte sa kaniyang muling pagbubuntis, batay sa latest Instagram post na kaniyang ibinahagi na may mahabang caption.
Kalakip ng kaniyang IG post ang kaniyang maternity photoshoot kung saan nakalatag sa sahig at nakapalibot sa kaniya ang mga injections, bills, reseta ng gamot, at mismong mga gamot, dahil sa kaniyang polycystic ovary syndrome (PCOS) at antiphospholipid antibody syndrome (APAS).

“I chose to have a pictorial like this why? Because lahat ng Injections, bills, reseta, gamot lahat ng nakapaligid sa akin is the reality of having APAS and PCOS. I love being pregnant kahit mahirap kasi blessing ni Lord ito and I’ll be forever grateful na biniyayaan pa kami ng isa pa. Thank you Lord,” ani Nadine.
” know after posting this madaming comments na negative na sasabihin ang taba-taba ko na hehe well that’s normal and lumalaki talaga ang ibang mommies tuwing nabubuntis. All I can say is I don’t care, one thing I learned is hindi dapat magpaapekto sa mga taong nagsasabi ng negative sa atin lalo na we are all doing this for our baby.”
Kahit naging mahirap umano ang kaniyang pinagdaanan sa pagbubuntis, worth it naman daw.
“Ang dami kong pinagdaanan sa pagbubuntis ko and lahat ng ito super worth it. Marami gusto magkaanak at isa ako sa pinagpala kaya iniingatan ko ito. Sa mga gusto magkaanak, wag kayo mawalan ng pag-asa because ibibigay ni Lord sa tamang panahon.”
Isinalaysay ni Nadine sa iba pang bahagi ng kaniyang post ang kaniyang mga pinagdaanan, kaya malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang mga naging doktor. Kada 10 araw umano ang kaniyang naging check-up. Sa dami umano ng mga nangyayari ay hindi niya namamalayang nakakaramdam na siya ng depresyon.
“Ang hirap ng feeling na hindi mo alam kung ano nangyayari sayo pero with the help of the Lord, my husband,my mom and my mom in law they helped me kaya ako nakablik sa sarili ko, it’s hard pero here I am getting stronger each day and excited sa pag dating ng bunso namin,” ani Nadine.
Ang PCOS ay isang hormonal disorder sa mga babae kung saan nagkakaroon ng mga maliliit na cyst sa kaniyang obaryo. Naglalaman ang mga cyst na ito ng mga hindi pa hinog na egg cells na hindi kayang maproseso ng obulasyon. Bilang epekto, bababa ang antas ng female hormones tulad ng estrogen at progesterone, at tataas naman ang lebel ng male hormones katulad ng androgen. Ang imbalance na ito ay magdadala ng iba’t ibang sintomas at epekto sa katawan ng babae.
Samantala, ang APAS naman ay isang kondisyon kung saan may mga ‘anti-bodies’ sa katawan na nakakasanhi ng mas mabilis na pamumuo ng dugo (blood clot).