Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 8,900 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Lunes, Agosto 9, sanhi upang umakyat pa sa mahigit 78,000 ang aktibong kaso ng sakit.
Batay sa case bulletin no. 513 ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,667,714 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 4.7% pa o kabuuang 78,480 ang nananatiling aktibong kaso.
Sa aktibong kaso, 94.0% ang mild cases, 2.1% ang asymptomatic, 1.7% ang severe, 1.18% ang moderate at 1.0% ang critical.
Mayroon rin namang 7,937 bagong gumaling sa sakit, kaya’t umaabot na ngayon sa 1,560,106 ang total COVID-19 recoveries ng bansa o 93.5% ng total cases.
Samantala, anim lamang ang pasyenteng naitalang bagong namatay dahil sa kumplikasyon ng sakit.
Sa ngayon, umakyat na sa 29,128 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.75% ng total cases.
Ayon sa DOH, mayroon rin namang 109 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 98 recoveries.
Mayroon ring apat na kaso ang unang na-tagged na recoveries ngunit kalaunan ay natukoy na binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.
Nabatid na lahat rin ng mga laboratoryo ay operational noong Agosto 7, 2021 at lahat ng laboratoryo ay nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Mary Ann Santiago