Nag-updatesi Vice Ganda sa kanyang Instagram account kaugnay sa pangangalap niya ng donasyon para sa mga biktima ng bagyong Ulysses.
Dubbed as the FUNDkabogable Donation Drive, nakakolekta na sila ng mahigit P1.2 million, as of November 19, in cash donations.
Nagpasalamat ang It’s Showtime host sa mga nagpaabot ng kanilang pinansiyal na tulong.
“Maraming maraming salamat po sa lahat ng mga nag-donate! Malaking tulong po ito para sa ating mga kababayan na nasalanta ng bagyong Ulysses,” post ng Team Vice
Inumpisahan ni Vice ang donation drive noong Nobyembre 14, pagkatapos manalasa ang bagyong Ulysses na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Central Luzon.
“Samahan n’yo kong makalikom ng pantawid krisis para sa ating mga kababayan. Anumang halaga ay buong puso kong pasasalamatan. Ngayon pa lang MARAMING MARAMING SALAMAT!!” post ni Vice.
Nasaksihan mismo ni Vice ang delubyong dulot ng bagyong Ulysses noong mag-landfall ito sa Balesin Island kung saan nagbabakasyon sila ng boyfriend na si Ion Perez, at ilang kasamahan sa It’s Showtime.
“Sadyang nakakatakot ang karanasan naming ito noong mga oras na ‘yung dahil ang mata ng bagyo ay nasa lugar na kinaroroonan namin,” pahayag ni Vice sa kanyang YouTube vlog titled “Bangis ni Ulysses.”
“Ngunit nagpapasalamat kami sa Panginoon dahil lumipas ang ulan at nanatili kaming ligtas hanggang makabalik sa Maynila. Nakikiramay kami sa lahat ng mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng bagyong ito,” pahabol pa ng Unkabogable Star.
-ADOR V. SALUTA