NAPASO!
LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Kulang sa player at sadlak sa hapis ng injuries. Ngunit, huwag maliitin ang puso at aspirasyon ng Miami Heat sa NBA Finals.
Sa pangunguna ni Jimmy Butler – nailista sa talaan ng mga great scorer sa kasaysayan ng NBA Finals – naagaw ng Heat ang momentum sa liyamadong Los Angeles Lakers sa impresibong 115-104 panalo sa Game Three nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa best-of-seven Finals.
Hataw si Butler, sumabak sa kanuna-unahang career NBA Finals – sa naiskor na 40 puntos, 11 rebounds at 13 assists para mailapit ang Heat sa 1-2 ng serye sa kabila ng patuloy na pagkawala dahil sa injuries nina star point guard Goran Dragic at All-Star center Bam Adebayo.
Ang performance ni Butler at ikatatlo sa kasaysayan ng NBA Finals na nakaiskor ng 40 puntps sa triple-double performance. Naitala niya ang 14 from 20 sa field at sa sitwasyong nahabol ng Lakers ang double digit na bentahe, siniguro niyang may sapat na lakas ang Heat para sa panalo.
“Win,” pahayag ni Butler. “I don’t care about triple-doubles. I don’t care about none of that. I really don’t. I want to win. We did that. I’m happy with the outcome.”
Nakatakda ang Game Four sa Martes (Miyerkoles sa Manila).
Nag-ambag sina rookie Tyler Herro at Kelly Olynyk ng tig-17 puntos para sa Miami, habang kumana sina Duncan Robinson at Jae Crowder ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si LeBron James sa Lakers na may 25 puntos, 10 rebounds at walong assists, habang kumana sina Kyle Kuzma at Markieff Morris ng tig-19 puntos. Nalimitahan si Anthony Davis sa 15 puntos.
“I think we realized that we belong,” sambit ni Butler.