KABUUANG 88 riders, sa pangunguna ng nagbabalik na kampeon na sina Santy Barnachea, Reimon Lapaza at Mark Galedo, ang muling sisikad sa lansangan upang makibaka para sa P1 milyon na premyo na nakataya sa LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race sa Pebrero 23 hanggang Marso 4 simula sa Sorsogon hanggang Vigan, Ilocos Sur.
Pangungunahan ng 43-anyos na si Barnachea, kampeon sa 2011 edition at ikalima noong 2015, ang Scratch It, habang sasabak si Lapaza, 2014 titlist, sa koponan ng Celeste Cycles PH-Devel Project Pro Team at kabilang si Galedo, 2012 winner, sa 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.
Hahamunin nila ang mga nakababatang karibal na kinabibilangan nina 2018 champion Ronald Oranza at 2016 ay 2017 title-holder Jan Paul Morales, na kabilang sa powerhouse Standard Insurance (Navy) kasama ang matitikas ding sina El Joshua Carino, George Oconer, Ronald Lomotos at John Mark Camingao.
Ipinahayag ni Ronda Pilipinas chairman Moe Chulani na ibinalik nila ngayong edisyon ang all-Filipino race, matapos gabayan ang PhilCycling sa layuning mabigyan ang Pinoy riders ng kinakailangang Olympic points sa pagsasagawa ng five-stage UCI-sanctioned race sa nakalipas na taon.
“The essence of the LBC Ronda Pilipinas really is giving Filipinos, especially the younger ones dreaming to become big in the sports of cycling someday, an avenue for them to make their dreams a reality,” pahayag ni Chulani.
“We’re bringing the LBC Ronda Pilipinas back to our countrymen in our 10th anniversary celebration because this is really for them,” aniya.
Ipinahayag ni Bernadette Guerrero, bagong LBC Ronda Pilipinas executive project director, na kabuuang 11 koponan na tatampukan ng tig-walong siklista ang lalahok sa 10-stage race na magsisimula sa Sorsogon sa Feb. 23 at matatapos sa Vigan sa Marso 4 sa karera na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
Suportado rin ang karera ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX/SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Inaasahang magbibigay din ng matikas na laban ang Go for Gold, Bicycology Shop (Army), Bike Xtreme, Tarlac Central Luzon, Ilocos Sur, South Luzon-Batangas at Nueva Ecija.
“It is just fitting that we celebrate the LBC Ronda Pilipinas’ 10th anniversary with 10 stages and several champions like Santy Barnachea, Reimon Lapaza and Mark Galedo making a memorable Ronda comeback,” pahayag ni Guerrero.
Matapos ang 137-kilometer Stage One, lalarga ang Ronda sa 163km Sorsogon Legazpi Stage Two sa Feb. 24, kasunod ang 126.9km Legazpi-Naga Stage Three sa Feb. 25, 212.5km Daet-Lucena Stage Four sa Feb. 26, at 155.4km Lucena-Antipolo Stage Five sa Feb. 27 bago ang isang araw na pahinga.
Magpapatuloy ang sikad sa 128.9km Lingayen-Lingayen Stage Six sa Feb. 29, 171.9km Lingayen-Nueva Ecija Stage Seven sa March 1, 177.1km Nueva Ecija-Baguio Stage Eight sa March 2, 176.4km Pugo, La Union-Vigan Stage Nine bago magtapos sa Stage 10 criterium sa Vigan sa March 4.