NAGPADEHADO sa unang sigwa ang Patong Patong bago bumulusok sa huling ratsadahan tungo sa impresibong panalo sa 2nd leg ng 2019 Philippine Racing Commission (Philracom) 3YO Imported/Local Challenge Series nitong Linggo sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas.
Sakay ang first-time stakes race winner na si jockey Jonathan King Flores, humaribas ang Patong Patong sa huling 300 metro para lagpasan ang liyamadong Will To Win at Magtotobetsky at angkinin ang panalo sa 1,800-meter race sa bilis na 1:52, tampok ang quartertimes na 14, 22, 24, 23 at 27.
“Noong medya milya, ramdam ko na kaya naman ng kabayo ko. Noong nag-tres octavo ako, hinanda ko na lang, dahil alam ko naman na naghahabulan sila. Halos sa diretso ko na lang kinuha dahil alam ko naman malakas pa kabayo ko,” pahayag ni Flores.
“Sana dire-diretso na ito,” aniya.
Naiuwi ng Patong Patong ang champion prize na P900,000 mula sa kabuuang P1.5 milyon na inilaan ng Philippine Racing Commission. Alaga ni Narciso Morales ang kampeon.
Nagkasya ang Will To Win (alaga ni Wally Manalo) sa P337,500, habang pangatlo ang Magtotobetsky (alaga ni Leonardo M. Javier Jr.) na may P187,500.
Unang rumemate ang Mark of Excellence, pagmamay-ari ni Mark Anthony Calixto, sa unang bulusog ng pitong kalahok, kasunod ang Will to Win at Patong Patong. Naagaw ng Will To Win ang bentahe sa huling 400 metro, ngunit, umeksena na ang Patong Patong para kunin ang bentahe at hindi na lumingon pa.
Tatangkain ng Patong Patong na masungkit ang back-to-back win sa pagpalo ng ikatlong leg ng serye sa Disyembre kung saan makakaharap niya ang 1st leg winner na Kentucky-bred What A Feeling.
Ang binitiwang karera ay bahagi ng Klub Don Juan de Manila Racing Festival. Ang iba pang nanalo ay ang Princess Eowyn (Klub Don Juan Stakes Race), Kaka and Bachi (Yorme Isko Moreno Trophy Race), Sky Candy (Juvenile Fillies), I Love Matty (Altheane Builders Trophy Race), One More One More (Equine International Airfreight Trophy Race), Yes I Will (Cong. Tony Calixto Trophy Race), King Polonius (Andok’s Litson Trophy Race), Chancetheracer (Manila Derby), Simlong Rock (Hygain Feeds Australia Trophy Race ), Helushka (Magic Millions Australia) at Du Pont Circle (DLTB Trophy Race).
Siksik ang programa sa Disyembre kung saan gaganapin ang he Philracom’s 3rd leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Races sa Dec. 1, ang Grand Sprint Championship sa Dec. 15, Chairman’s Cup at 3rd leg ng 3YO Imported/Local Challenge Series sa Dec. 29 at Juvenile Championship sa Dec. 31.