TUMATAG sa kinakuluklukang ikatlong posisyon ang tatangkain ng crowd favorite Barangay Ginebra sa pagsabak nito ngayong gabi kontra Columbian Dyip sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.
Taglay ang barahang 6-3, sasagupain ng Kings ang Dyip ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng unang salpukan sa pagitan ng Phoenix at Blackwater ganap na 4:30 ng hapon.
Sisikapin ng Kings na dugtungan ang 96-93 panalo nila kontra sa kasalukuyang lider na TNT Katropa noong nakaraang Biyernes-Nobyembre 8.
Para naman sa katunggali nilang Dyip, magkukumahog naman itong bumangon mula sa natamong dalawang dikit na pagkabigo pinakahuli noon ding Nobyembre 8 sa kamay ng Meralco Bolts, 74-92.
Hangad ng Dyip na kumalas mula sa kinalalagyan nilang 3-way tie sa ika-6 na posisyon kasalo ng Northport at Alaska taglay ang barahang 4-6.
Samantala sa unang laro, kasalukuyang magkatabla sa ilalim ng standings taglay ang barahang 2-8, parehas magsisikap na hindi malaglag sa buntot ang magkatunggaling Fuel Masters at Elite.
-Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. — Phoenix vs Blackwater
7:00 n.g. — Ginebra vs Columbian Dyip