MIAMI (AP) — Naisalpak ni Jimmy Butler ang unang apat na tira tungo sa pagkopo ng 21 puntos sa kanyang debut sa Miami Heat kontra Atlanta Hawks, 112-97, nitong Martes (Miyerkoles sa Manila).

Hataw din sa Heat si rookie Tyler Herro na may 29 puntos.
Maagang nawala si Hawks star Trae Young na nagtamo ng sprained sa kanang paa may 9:56 ang nalalabi sa ikalawang quarter.
Tumipa ang 19-anyos na si Herro sa second quarter, habang kumasa sina reserve Goran Dragic na may 21 puntos, Bam Adebayo na may 17 puntos at 10 rebounds, gayundin si Kendrick Nunn na may 17 puntos.
Nanguna si John Collins sa Atlanta sa naiskor na 30 puntos, tampok ang career-best five 3-pointers, at kumana si Jabari Parker ng 12 puntos.
“To win at home, in front of these fans, is special,” pahayag ni Butler.