WALANG pangarap na ‘di matutupad kung magpupursige sa laban ng buhay.

(RIO DELUVIO)
Sa isa pang pagkakataon, buhay na patotoo sina gymnast Carlos Yulo at woman boxer Nesthy Petecio, na walang pangarap na imposible sa taong hindi susuko at handang magsakripisyo.
“Dati nasa elite athlete ako, pero na-relegate ako sa Class B after mapagtatalo ako sa international competition, tapos hindi ako nakalaro sa nakalipas na SEA Games, pero sabi ko sa sarili ko, okey lang hindi dapat sumuko, training lang,” pahayag ni Petecio.
“Naisip ko rin na mag-quite na lang sa boxing, total nakatapos na ako ng pag-aaral ko habang nagsasanay ako sa Baguio. Pero, inalala ko ang pamilya ko, naipangako ko sa kanila na iaangat ko sila sa hirap ng buhay. Salamat sa Panginoon at sa kanyang gabay,” aniya.
Tulad niya, handa na ring sumuko ang 19-anyos na si Yulo, higit at hindi naging maayos ang kanyang kampanya sa nakalipas na Asian Games.
“Parang walang mangyayari. Yung tsansa ko kasi, nasayang sa Asian Games. Pero sabi sa akin ni coach at ni Madam Cynthia (Carrion) tuloy lang sa training, hangga’t may sumusuporta sa akin,” sambit ni Yulo.
“Kaya araw-araw sa training, iniisip ko na lang pamilya ko. Gusto ko kasing mabigyan sila ng magandang bukas,” aniya.
At tulad ng kanilang pangarap na maging kampeon sa sports na kanilang nalinyahan, magandang bukas na rin ang naghihintay sa kanilang pamilya.
Mahigit sa tig-P1 milyon ang makukuha nina Yulo at Petencio bilang cash incentives batay sa ‘Athletes Incentives Act’ at sa sariling inisyatibo ng PSC Board.
Inaasahang madadagdagan pa ito sa kanilang pagbisita kay Pangulong Duterte sa Malacanang Miyerkoles ng hapon.
Nasungkit ni Yulo ang gintong medalya sa 49th Artistic Gymnastics World Championships habang si Petecio naman ang nakakuha ng gold medal sa AIBA Women’s World Boxing Championship.
Hindi naman tinukoy kung dadagdagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng tig-P1 milyong incentive ng dalawa, ngunit sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na imposibleng hindi magbigay ng regalo ang Pangulo.
“Generous naman si Pangulong Duterte,” aniya.
Sa pagkapanalo ni Yulo, makakasama na siya ni pole vaulter EJ Obiena sa Philippine Team na sasabak sa 2020 Tokyo Olympics, habang si Petencio at si 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz, nagwagi ng dalawang bronze sa World Championship kamakailan, ay kailangan pang makakuha ng karagdagang puntos para mapataas ang ranking at makasampa sa quadrennial Games.
-Beth Camia