ILANG linggo nang hindi visible si Liza Soberano sa showbiz, dahil nasa Amerika siya kung saan niya ipinaopera ang kanyang daliri, na nadurog ang buto nang maaksidente siya sa taping ng dati niyang epic serye na Bagani.
Ito rin ang dahilan kung bakit binitiwan na ni Liza ang pagbibidahan sanang Darna movie, dahil iniinda niya ang sakit ng daliri kapag may training siya, at payo na rin ng doktor na kailangan na itong ipaayos ng aktres.Kamakailan ay lumipad patungong Amerika ang manager ni Liza na si Ogie Diaz para kumustahin ang anak-anakan, dahil matagal na rin silang hindi nagkikita, bukod pa sa gusto nitong personal na matanong kung kumusta na ang nangyaring operasyon sa daliri na tinawag na internal fixation.
Batay sa aming research, ang internal fixation “is an operation in orthopedics that involves the surgical implementation of implants for the purpose of repairing a bone.”Base sa video post ni Ogie sa kanyang Facebook account, nakabenda pa ang kanang kamay ng aktres.
“Nilagyan po ng stabilizer,” kuwento ni Liza.
“Basically po nagkaroon ako ng bone infection, tapos the doctor had to take out the titanium na nandoon na (nilagay sa Pilipinas). Tapos after tanggalin, they have to put stabilizer kasi hindi kaya ng bone lang to hold together.
“Ang healing time po ay six weeks nandito ang stabilizer, at six weeks din akong mag-antibiotics to make sure na totally wala na akong infection before we do the 2nd operation, which is pang 4th operation ko na po. It’s either we do a joint replacement or ipu-fuse.”
Tinanong ni Ogie kung nami-miss ni Liza ang showbiz, lalo na ang fans ng aktres at ang supporters ng love team nila ni Enrique Gil.
“Nami-miss kong mag-work, saka Filipino food. Nagluto nga (kasama niya) ng sinigang kanina. All over the world (lahat ng pinuntahan niya) nagsi-sinigang ako. ‘Pag kunwari nasa Europe ako, may fans na nagluluto ng sinigang for me, so nakakatikim ako ng iba’t ibang klase ng sinigang,” pag-amin ng aktres.
Kanang kamay ang ginagamit ni Liza sa pagsusulat, kaya hirap na hirap siyang gawin ito ngayon dahil iniipit niya ang ballpen sa fourth finger.
“Tinry kong mag-left, pero hindi mababasa (panulat niya).”
Posibleng kayang si Liza pa rin ba ang gumanap na Darna pagkatapos ng operasyon, dahil hanggang ngayon ay wala pang napipili na ipapalit sa kanya?
“Feeling ko, hindi po, kasi ang tagal na ng lahat ng pangyayari. It would be sad to keep them waiting, eh, alam ko kailangan nang mag-shoot ng Darna, so hindi po,” pahayag ni Liza.
Inamin din ni Liza na sagot ng ABS-CBN management ang lahat ng gastusin niya habang nasa Amerika siya.
“ABS is taking care of everything, like pag-stay namin dito, food, lahat ng bills,” saad ng dalaga.
Aabutin pa ng nine weeks, o mahigit dalawang buwan pa, ang healing process ng daliri ni Liza. Naniniwala naman ang aktres na hindi na maibabalik sa normal ang daliri niya.
“May pag-asa if mag-joint replacement, pero kung ipu-fuse hindi na po. Ipu-fuse, pagdurugtungin ang dalawang bones. It’s going to be stiff na parang medyo normal. Kaya still I won’t be able to bend (fingers). I wouldn’t be use it as normal, pero kung joint replacement, there would be flexibility on the finger,” paliwanag ni Liza.
Aminado si Liza na wala siyang ginagawa sa Amerika at nabo-bore na.
“We tried to be busy; nanonood ng movies or nago-grocery shopping. There’s not much to do kasi after how many day na nakita ko na lahat, nagawa ko na lahat, parang wala ka nang magagawa tapos wala pa kaming kasama rito, so medyo boring,” say pa ng dalaga.
Sinusubukan namang mag-gym ni Liza, pero bawal siyang pawisan.
“Bawal mapawisan ‘yung dressing ng thick line ko, pero naglalakad ako sa treadmill every morning. We just walk around.”
At ang diretso pero patawang tanong ni Ogie: “May lumabas kung kayo pa ba ni Enrique, kasi ang layo-layo mo raw. Pero kayo pa ba?”Mabilis ang sagot ng aktres: “Oo naman.”
Paano ang communication nila?“Video chat po.”
Hinihintay na rin si Liza ng supporters niya rito sa Pilipinas, kaya ang mensahe niya sa kanila: “Hi to all LizQuen and Liza fans. Thank you so much for supporting me and I’ve seen all your get well soon messages. Thank you and I hope to see some of you guys soon and hang in there kasi malapit na kaming mag-taping as soon as I get better.”
-REGGEE BONOAN