PINATAWAN ng indefinite suspension at multang P70,000 si Calvin Abueva ng Phoenix Fuel Masters bunsod ng kanyang mga aksiyon na nakakaapekto sa liga, ayon sa desisyon ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Ang malaking bulto na multa na P50,000 ay sa flagrant 2 foul kay TNT import Terrence Jones habang P20,000 bilang multa sa umano’y bastos na pananalita sa isang babaeng tagahanga.
Ayon kay Marcial, nagdesisyon siyang patawan ng indefinite suspension si Abueva upang ipakita ang pagpapairal ng disiplina at pagpapanatili ng propesyunalismo sa liga.
Hindi na umano nila puwedeng pabayaan pa si Abueva na ipagpatuloy ang hindi magandang inuugali nito sa mga fans at kapwa niya manlalaro.
Binigyang diin din nito na mahalaga sa kanila ang kapakanan ng mga fans kung kaya hindi nila papahintulutan na mabastos ang mga ito o mainsulto habang nanunood ng laro.
Gayundin, ipinaalaala ni Marcial na bagamat pinapahintulutan ang pisikalidad sa laro, ang anumang bayolenteng aksiyon o tinatawag na “unsportsmanlike conduct” ay walang puwang sa liga.
Walang itinakdang panahon kung hanggang kailan tatagal ang suspensiyon dahil nakadepende umano ito sa gagawing paghingi ni Abueva ng paumanhin sa kanyang mga nasaktan at kung paano nito babaguhin ang kanyang pag uugali.
Bukod kay Abueva, pinatawan din si Phoenix Fuel Masters coach Louie Alas ng dalawang larong suspensiyon at multang P40,000, P20,000 dahil sa pagtulak nya kay David Semerad, at P20,000 sa pagsasalita ng hindi maganda tungkol sa liga.
Nagmulta din sina Phoenix players Rob Dozier at Jason Perkins ng tig- P1,000 dahil sa technical foul dulot ng kanyang 2nd motion para sa una at verbal altercation naman para sa huli.
Sa panig naman ng TNT pinatawan din ng multa si David Semerad ng P20,000 sa pagkakasangkot nila sa gulo, gayundin si Jason Castro verbal altercation.
Pinagmulta naman si import Terrence Jones ng P70,000 — P50,000 dahil sa pagtira nito sa sensitibong bahagi ng katawan ni Abueva at P20,000 dahil physically contact sa isang official.
-Marivic Awitan