Arestado ang isang family driver dahil sa umano’y pagtangay ng P505 milyong halaga ng alahas ng kanyang amo sa Pandacan, Maynila, iniulat ngayong Linggo.
Kinilala ang suspek na si Norvondo Banngit, 55, ng Lamayan Street, Sta. Ana, Maynila. Siya ay kinasuhan ng qualified theft.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)-Theft and Robbery Section, naghain ng reklamo ang biktimang si Adelina Enriquez, 67, ng Pres. Quirino Avenue, Pandacan, Maynila, nang matukoy niya ang suspek sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa Barangay 851, Zone 93.
Ayon sa imbestigador na si Police Corporal Serafin Galpo, Jr., naganap ang insidente habang dumadalo sa misa ang biktima kasama ang kanyang helper nitong Linggo, sa ganap na 8:00 ng umaga.
Umuwi ang biktima upang magpalit ng damit, at nagulat nang hindi na makita ang kanyang mga alahas. Agad niya itong ini-report sa kanilang barangay.
Sa CCTV footage, mapapanood si Banggit na pumasok sa bahay ng biktima noong oras na nawala ang mga alahas nito.
Agad na inaresto ang suspek ng mga tauhan ng Penafrancia Police Community Precinct (PCP) at dinala sa MPD-TRS.
Ayon sa awtoridad, inamin ni Banggit ang krimen at sinabing ibinenta niya ang mga ninakaw na alahas sa Arranque Market sa Sta. Cruz, Maynila.
-Erma R. Edera