ni Annie Abad
DAVAO CITY – Muli, nanaig ang Batang Maynila sa kabuuan ng kompetisyon sa 2019 Palarong Pambansa sa Davao City UP-Mindanao dito.
Humakot ang National Capital Region (NCR) Jammers ng kabuuang 82 ginto upang panatilihin ang overall championship sa multi sports event na inorganisa ng Department of Education (DepEd) sa tulong at suporta ng Philippine Sports Commission (PSC).

Hindi nagpatinag hanggang sa huling araw ng kompetisyon ang Jammers matapos na kunin ang ginto sa Secondary Men’s Basketball kontra Central Luzon 103-79.
Simula pa lamang ng laro ay hindi na pinalapit ng NCR Ang Central Luzon, kung saan tinapos nila ang halftime sa 59-40 kalamangan.
Buhat dito ay hindi na nilingon ng Jammers ang karibal kung saan nagtuwang ay sina Jerry Abadia at Terrence Fortea upang kunin ang panalo.
Napabilang din ang dalawang manlalaro sa mythical five kung saan tinanghal na Most Valuable Player si Abadia habang 3-point King naman si Fortea.
Kumolekta rin ng ginto ang Jammers buhat sa mga sports na swimming, gymnastics at athletics.
Sumandal ang NCR sa kanilang mga premyadong atleta gaya ng 11-anyos na si Karl Jahrel Eldrew Yulo sa elementary boys gymnastics at sa pambato nila sa swimming sa high school division na sina Miguel Barreto at swimming sensation Michaela Jasmin Mojdeh.
Bukod sa 82 ginto, nagtala rin ng 70 silver medals ang NCR kasama ang 54 na bronze, habang humalili naman sa kanila sa ikalawang puwesto ang Region IV-A (STCAA) sa kanilang 63-48-70.
Nasa ikatlong puwesto naman ang Western Visayas Region na may 47-34-57, habang ang Region XII 26-43-40 at ikalimang puwesto ang Bicol Region na may 23-22-30.
Samantala, isang matamis na tagumpay naman ang nakamit ng 18-anyos na si Vincent Vianmar Dela Cruz ng Central Luzon matapos na makuha niya ang gintong medalya sa 2000m walk.
Nairehistor niya ang tyempong 9:58.02 minuto.
“Masaya po at the same time malungkot din kasi first time ko po sa Palaro pero last year ko na rin po. Ngayon lang po kasi nagsama ng entry sa 2k walk ang team namin.Wala po kaming maayos na preparasyon kasi busy din po coach namin. Pero nagpapasalamat po ako sa suporta niya sa akin,” ayon sa grade 12 student ng San Miguel National High School sa Bulacan.