BOSTON (AP) – Sa unang bugso pa lang ay nadurog na ni Giannis Antetokounmpo ang ‘Boston Pride’.
Hataw ang nangungunang MVP candidate sa naiskor na 32 puntos at 13 rebounds, habang kumana si George Hill ng 21 puntos para sandigan ang Milwaukee Bucks kontra Boston Celtics, 123-116, Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila) sa Game 3 ng Eastern Conference semifinals.
Tangan ng Bucks ang 2-1 bentahe. Host muli ang Celtics sa Game 4 sa Lunes (Martes sa Manila). Nag-ambag si Khris Middleton ng 20 puntos.
Nanguna sa Boston si Kyrie Irving na may 29 puntos, habang kumubra si Jayson Tatum ng 20 puntos.
Tangan ng Boston ang isang puntos na bentahe sa halftime, ngunit nabura sila ng Bucks sa 40-31 sa third quarter at naghabol sa pinakamalaking 17 puntos na bentahe sa final period.
Dinaig ng Bucks ang Celtics, 52-24, sa paint at nagtamo ng 18 turnovers na nagawang maisapuntos ng Milwaukee sa 28 puntos.