Nagsuspinde ng kani-kanilang biyahe ang mga tren ng Light Rail Transit Lines 1 (LRT-1) at 2 (LRT-2), gayundin ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos na yanigin ng magnitude 6.1 na lindol ang ilang bahagi ng Luzon, partikular ang Metro Manila, bandang 5:11 ng hapon ngayong araw.

Nabatid na layunin ng tigil-biyahe na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ng tatlong mass railway system.
“LRT2 suspends train operation at around 5:18pm, all stations are closed for passenger entry, pending inspection and assessments of all facilities and systems due to strong earthquake,” tweet ni Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority (LRTA), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2.
Ayon naman kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, nagpasya silang suspindehin ang mga biyahe ng kanilang mga tren para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Wala pa naman silang nakikitang malalang epekto ng lindol ngunit magsasagawa, aniya, sila ng inspeksiyon sa mga riles at iba pang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito bago tuluyang ibiyahe.
“Stop operations po muna ang MRT, ” ani Capati. “We’re still checking the tracks and the facilities kung apektado ng earthquake. For the meantime stop operation muna, until further notice.”
Samantala, dakong 6:10 ng gabi naman nang magpasya ang pamunuan ng LRT-1 na magsuspinde na rin ng biyahe.
Unang nagpatupad ng 3-minute slow down sa biyahe ang LRT-1 at nang matapos ang lindol ay bumalik na sa normal ang operasyon nito.
Pagsapit naman ng 6:00 ng gabi ay nagpasya na rin ang pamunuan nito na magsuspinde ng biyahe.
Ayon kay Rochelle Gamboa ng LRT-1, nais nilang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero kaya aalamin muna nila kung napinsala ang mga riles.
Iaanunsiyo na lamang umano ng mga opisyal ng mga railway system kung kailan muling bibiyahe ang kanilang mga tren.
Una rito, dakong 5:11 ng hapon nang maganap ang lindol sa ilang bahagi ng Luzon.
Dahil sa takot, inihinto ang mga biyahe ng mga tren, habang bumaba at naglakad na lamang patungo sa mga istasyon ang mga pasahero.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt Avenue sa Quezon City hanggang sa Baclaran, Parañaque City, habang ang LRT-2 naman ang nagdurugtong sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila at Santolan, Pasig.
Ang MRT-3 naman na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdurugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.
-Mary Ann Santiago