NAKOPO ni Woman Fide Master (WFM) Jerlyn Mae San Diego ng Dasmariñas City, Cavite ang 9-round Woman International Master (WIM) norms Miyerkoles sa katatapos na 21st Dubai Open 2019 Chess Championships na ginanap sa Dubai Chess & Culture Club sa Dubai, United Arab Emirates.
Ang 14-anyos Grade 8 student ng First Uniting Christian School at produkto ng Dasmariñas Chess Academy na itinatag nina Mayor Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., Congresswoman Jenny Barzaga at National Coach/International Master Roel Abelgas ay naka kolekta ng limang puntos mula sa apat na panalo, dalawang draws at tatlong kabiguan sa nine-round World Chess Federation (FIDE) tournament.
“Good news Jerlyn Mae (San Diego) earned 9-round Woman International Master (WIM) norms but she still needs two other WIM norms to qualify for the full title,” pahayag ni National coach/International Master Roel Abelgas.
Nakapagtala ng panalo si Jerlyn Mae kontra kina Shubh Jayesh Laddha ng USA sa third round, Petra Kejzar ng Slovakia sa fourth round, IM Praveen Kumar C ng India sa fifth round at IM Raja Rithvik R ng India sa sixth round.
Nakipaghatian siya ng puntos kontra kina IM Rathnakaran K. ng India sa eight round at FM Sergey Naboka ng Ukraine sa ninth at final round.
Nalasap niya ang pagkatalo sa kamay nina IM Nitin S. ng India sa first round, WIM Angela Franco Valencia ng Colombia sa second round at GM Ehsan Ghaem Maghami ng Iran sa seventh round.
Nakuha naman ni GM Maxim Matlakov ng Russia ang titulo sa bisa ng mas mataas na tie break points sa huge group ng fellow seven pointers na kinabibilangan nina GM Nodirbek Abdusattorov ng Uzbekistanm, GM Le Quang Liem ng Vietnam, GM Yuriy Kuzubov ng Ukraine, GM Eduardo Bonelli Iturrizaga ng Venezuela, GM Vahap Sanal ng Turkey, GM Aleksandar Indjic ng Serbia at IM Iniyan P ng India.
Ang iba pang Filipino na lumahok sa nasabing event ay sina IM Daniel Quizon (5.5 points), IM Oliver Dimakiling (5.5 points), Abelgas (4.5 points), Michael Concio Jr. (4.5 points), AGM Joseph Galindo (4 points), WIM Kylene Joy Mordido ( 3.5 points), Francis Erwin Dimarucut (3.5 points) at Gerald Taguba (3 points).