HINDI pa man nagiinit sa kanyang jacket, kaagad na ipinamigay ng NLEX si No.4 rookie pick Paul Desiderio sa Blackwater kapalit ng beterranong si JP Erram.

Kasama rin sa usapin ang No.7 pick ng Road Warriors na si Abu Tratter matapos ang isinagawang 2018 Annual PBA Rookie Draft nitong Linggo sa Robinsons Place Manila.
Inaasahan ang pormal na pagsasagawa ng trade sa pagsumite ng mga dokumento ngayon sa PBA Commissioner’s Office.
Sorpresang pinili ng Road Warriors ang dating UP Fighting Maroons bilang 4th overall pick, habang nakuha naman nila bilang 7th pick ang dating 6-foot-6 center-forward ng De La Salle Green Archers.
Ayon kay Guiao, magiging malaking bahagi sina Desiderio at Tratter sa posibilidad na makakuha sila ng isang quality big man sa pamamagitan ng trade kung kaya inamin nyang may dobleng layunin ang ginawa nilang pagpili sa kanilang first round picks.
“Yung move naman namin na yun is double purpose. We have something in mind, which we feel is going to address our lack of big men. Meron kaming possibility na makakuha ng big men with Paul and Abu,” paliwanag ni Guiao.
“But if that does not materialize, we’ll be very happy with Paul and with Abu in our team. So double purpose siya. We like the two players very much. We will be happy if they will be able to earn a slot in our team,”dagdag nito.
“So wala kaming talo rito. Tabla-manalo kami sa usapan na to.”
Sakali mang hindi matuloy ang trade, inaasahang mas bibigat ang guard rotation ng NLEX sa pagbabalik nina Kevin Alas at Kiefer Ravena at sa pagkakadagdag ni Desiderio.
“Sa isip ko kasi we’re going to have a very exciting backcourt trio in Kevin Alas, in Kiefer Ravena, and in Paul Desiderio. You cannot go wrong with that backcourt trio,” ani Guiao.
“If we cannot get a big man, then we’re going to be upgrading our backcourt with those three.”
Samantala, walang maipapangako, ngunit gagawin ni CJ Perez ang lahat para sa Columbian Dyip, pumili sa kanya bilang overall No.1 pick.
Gaya ng ginawa nya sa koponan ng Lyceum sa NCAA, ayon kay Perez ay handa syang tulungan na mabago ang kapalaran ng Columbian Dyip na makaahon buhat sa pagiging palagiang cellar dweller.
“Sobrang saya and excited na ako yung unang pick ng Columbian. Sana maganda ang mapakita ko sa PBA,” pahayag ng 25-anyos na dating NCAA MVP.
“Siyempre yung effort at kung kailangan nila ng scorer, ready naman ako. Bibigay ko lahat ng best ko para sa kanila,” aniya.
Ayon pa kay Perez, sisikapin nyang pamunuan ang koponan na makaahon dahil aminado syang hindi nya naman ito magagawang mag-isa.
“Siyempre hindi ko naman kaya na ako lang,” ayon pa kay Perez.
Sa ginanap na drafting, si two-time UAAP MVP Bobby Ray Parks anmg nagiong No.2 para sa Blackwater, habang ang San Beda star na si Robert Bolick ang No.3 para sa NorthPort.
-Marivic Awitan