Bilang paghahanda sa inaasahang bugso ng mga commuters ngayong Holiday rush, mas pinaigting ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon nito laban sa mga taxi driver na tumatangging magsakay ng pasahero, hindi nagmemetro, at gumagawa ng iba pang mga pananamantala ngayong Pasko.
Sinimulan na ng LTFRB ang crackdown ngayong Disyembre laban sa mga isnaberong taxi driver, sa pamamagitan ng programa nito sa mga terminal ng ilang shopping malls sa Metro Manila.
Una nang lumagda ng suporta ang mga transport groups at mall operators sa kampanyang “Oplan Isnabero” ng LTFRB, na layuning maiwasan ang mga mapagsamantalang driver at siguraduhin ang kaginhawahan ng publiko ngayong Holiday season.
Sa datos ng Public Assistance and Complaints Desk (PACD) ng LTFRB, bumaba na ang bilang mga pasaway na taxi driver ngayong taon kumpara noong 2017, na nakapagtala ng 2,133 driver na nangongontrata ng pasahero, at kaya ay tumatangging magsakay.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, mahaharap sa parusa ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan na tatanggi “to render service to the public or convey passenger to destination”.
Nakasaad din dito na ikinokonsiderang “overcharging” o “undercharging” ang pangongontrata sa mga pasahero, na mahigpit na ipinagbabawal.
-Alexandria Dennise San Juan