SA panahong nailathala na ang kolum na ito, inaasahang nakumpleto na ng Balangiga Bells ang paglalakbay nito mula sa panahon na naging simbolo ito ng kagitingan at paglaban ng mga Pilipino laban sa pananakop ng mga dayuhan, tinangay bilang tropeo ng digmaan ng mga sundalong Amerikano noong 1901, hanggang sa tuluyang magbalik sa pinagmulan nitong bayan sa Pilipinas.
Katanggap-tanggap ang naging pasya ng gobyerno ng Amerika na isauli ang mga kampana ng Balangiga sa karapat-dapat nitong paglagakan sa kasaysayan ng Pilipinas at ng daigdig. Bagamat ang nasabing desisyon ay inabot pa ng 117 taon, nananatili pa rin itong makabuluhan, lalo na para sa ating mga Pilipino.
Kinumpirma ng gobyerno ng Pilipinas na pagkatapos ng seremonyang militar nitong Nobyembre 15 sa F.E. Warren Air Force Base sa Wyoming, kung saan nakalagak ang mga kampana ng simbahan, tuluyan nang ibabalik ang mga ito sa bayang kanilang pinagmulan sa Disyembre 11.
Taong 2007 pa lang, at nasa Senado pa ako noon, nang ihain ko ang Senate Resolution No. 177, “Expressing the Sense of the Senate for the Return to the Philippines of the Balangiga Bells which were taken by the US Troops from the Town of Balangiga, Province of Samar in 1991.”
Sa panahong iyon, naniniwala ako, lalo na ngayon, na ang mga nasabing kampana ay hindi lamang bahagi ng ipinagmamalaking kasaysayan ng ating bansa, kundi ng kuwento ng mga Pilipino na sa kabila ng kahirapan ay nagkaisa ang mamamayan at ang simbahan sa paglikom ng sapat na pera upang magkaroon ng mga nasabing kampana.
Isinisimbolo ng mga kampana ang katapangan ng mga Pilipino sa harap ng panggigipit ng mga dayuhan, at naging hudyat ng mamamayan ng Balangiga upang ipaglaban ang kanilang kalayaan, kaya naman sorpresang inatake ng mga rebolusyonaryong Waray ang mga sundalong Amerikano.
At sa kanyang ikalawang State of the Nation Address, hiniling ni Pangulong Duterte sa Amerika na ibalik sa bansa ang mga kampana ng Balangiga na inangkin ng mga sundalo nito bilang simbolo ng matagumpay na digmaan.
Kinakatawan ng pagbabalik ng mga kampana ang isang mahalagang bahagi ng mahaba at kumplikadong kasaysayan ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika. Sa isang banda, mistulang nakapaloob sa mga nasabing kampana ang ugnayang ito. Nilabag ito ng digmaan na nagpatibay sa kapayapaan at ginawang kumplikado ng mga pandaigdigang pagbabago.
Mahalaga ring bigyang-diin na ibinalik ang mga kampana sa panahong ang Pilipinas, sa pamumuno ng administrasyong Duterte, ay nagpatupad ng napakalaking pagbabago sa polisiyang panlabas nito. Pinagtibay nito ang masiglang ugnayan sa mga dating hindi kaalyadong bansa, tulad ng China at Russia, habang pinananatili ang pakikipagkaibigan sa Amerika.
Mainam na suriin ang mga nangyayari sa anggulong ito—na sa panahong iginigiit ng Pilipinas ang soberanya nito sa mundo sa pamamagitan ng pagtaya natin sa ating ugnayan sa bansang minsan ay sumakop sa atin, ang isa sa mga simbolo ng pagpupunyagi ng ating mamamayan para sa kalayaan at soberanya ay ibinabalik sa lugar na pinagmulan nito.
Umaasa akong ang pagbabalik sa mga kampana ay magpapaigting sa pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mga sakripisyo ng mga bayani nating ninuno na ibinuwis ang kanilang mga buhay upang matiyak ang kalayaan ng bawat isa sa atin. Sana, ang pagbabalik ng mga kampana ay magsisilbing paalala sa ating mamamayan sa mahalagang papel ng kasaysayan sa pagtukoy sa ating kasalukuyan at hinaharap.
Ang kuwento ng BalangigaBells ay isang malinaw na panawagan sa atin upang papag-ibayuhin ang ating determinasyon na siguruhin ang isang matatag at nagsasariling bansa, na hindi nakalilimot sa pinagmulan nito habang tinatanaw ang isang magandang kinabukasan.
Sa wakas, ang mga karapat-dapat na magmay-ari ng mga kampana—ang mamamayan ng Balangiga, Samar; ang Diocese ng Borongan, na nakasasaklaw sa parokya ng Balangiga; at ang lahat ng Pilipino—ay ganap nang makakamtan ang makasaysayang katarungan na ating ipinaglaban
-Manny Villar