NAGBIBIRO lang ba si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang sabihin niya na 90 porsiyento ng mga pari ay “gay” o bakla? Bulong nga sa akin ng isang usiserong kaibigan: “Paano niya nalaman?” O nagagalit at nang-iinsulto lang siya sapagkat sa kabila umano ng sumpa o “vow of celibacy” ng mga ito, sila ay nagkakaroon ng relasyong seksuwal sa kanilang parishioners–mga sakristan, batang babae, dalaga, at mga may-asawa? Sila ba ang mga modernong Padre Damaso?
Ano ang masasabi mo rito presidential spokesman Salvador Panelo? Ito ba ay joke, joke lang o hyperbole ni Mano Digong na hindi dapat seryosohin ng mga Pilipino? Biro, biro lang ba ito ng ating Pangulo na umamin na talagang style niya ang pagbibiro?
Tandaan natin na ang anumang pahayag ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay kailangang pag-ingatan sapagkat siya ang ama ng bansa na dapat maging huwaran ng mga mamamayan.
Noong 2015, minura ni PRRD si Pope Francis dahil nakalikha ang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas ng matinding trapiko. Siya ay naipit sa daan ng ilang oras patungo sa airport. Siya ang alkalde noon ng Davao City. Kayhirap nga namang magkontrol sa pag-ihi.
Sabi ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Bakit si Pope Francis ang kagagalitan niya eh inimbitahan lang siyang dumalaw sa ‘Pinas? Dapat ay si ex-Pres. Noynoy ang sisihin niya at kagalitan.”
Sabad ni senior-jogger: “Ganito rin naman ang nangyari nang gawin dito ang APEC Meeting at ipasara ang mga daan at lansangan. Daming nahirapan sa pag-ihi, nagutom at umuwing hatinggabi sa bahay. Bakit hindi siya nagmura?”
Nagbabala ang ilang senador sa Malacañang na gumawa ng mga paraan upang maiwasang mag-riot ang mahihirap na mamamayan tulad ng nangyaring riot sa Paris, France, na bunsod ng pagpapataw ng mataas na buwis sa petrolyo o fuel excise tax doon. Sa ating bansa ngayon, patuloy na naghihirap ang mga kababayan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Isa umano sa dahilan ng pagtaas ay dahil sa TRAIN law.
Isa sa mga senador, si Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang nagpayo na dapat suriin at pag-isipan ng Duterte administration at ng kanyang economic/ financial managers ang naganap na riot sa France dahil sa pagpapataw ng mataas na buwis sa petrolyo na ikinaglit ng mga Pranses.
Upang mapakalma ang mga mamamayan ng France at mapawi ang riot, sinuspinde ng French government ang fuel excise tax. Natigil ang riot at bumalik sa normal ang buhay ng mga Pranses. Ganito rin sana ang mangyari sa minamahal nating Pilipinas.
Pero, batay sa mga huling ulat, mukhang itutuloy ang ikalawang yugto ng TRAIN law sa Enero 2019 dahil sa pagbaba ng presyo ng fuel products sa world market. Inaprubahan na ng ating Pangulo ang rekomendasyon ng mga eksperto sa ekonomiya. Sana ay hindi sila magkamali. Sana ay batid at dama nila ang pulso ng mga mamamayan na ngayon ay hirap pa rin sa pagbili ng mga pangunahing bilihin.
Ngayon ay sinasagasaan ng TRAIN 1 law ang mga Pinoy. Pasasagasa ba uli sila sa TRAIN 2 law? Humpak na ang sikmura ng mga tao. Hirap na hirap sa pagkayod araw-araw. Harinawa ay maihatid sila ng TRAIN law tungo sa maginhawang destinasyon.
-Bert de Guzman