NAUUNAWAAN natin ang mabilis na pag-ako ni Pangulong Duterte sa responsibilidad at batikos sa misencounter sa pagitan ng tropa ng 87th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga kapulisan ng 805th Regional Mobile Force Battalion ng Philippine National Police (PNP) sa Samar nitong nakaraang linggo, kung saan namatay ang anim na pulis at siyam na iba pa ang nasugatan.
Matapos manawagan ang mga kamag-anak ng mga nasawing pulis ng hustisya at kagustuhang may mapanagot sa nangyari, sinabi ng Pangulo na, “I would like to tell you that the ultimate blame, the fault is on me.” Ang Pangulo, sa ilalim ng Konstitusyon, ang siyang “Commander-in-Chief of all armed forces of the Philippines” at kabilang din dito ang PNP at AFP.
Sa kabila nito, mahalaga pa rin na malaman ang buong kuwento, hindi para matukoy kung sino ang dapat sisihin, kundi ang masiguro na hindi na muling mauulit ang nakalulungkot na insidente. Dahil magpapatuloy ang operasyon sa Samar laban sa New People’s Army (NPA), kundi man ay titindi pa, ngayon na muling naudlot ang inaasahang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines (CPP), NPA, at National Democratic Front (NDF).
Tila lumalabas na kapwa nagsasagawa ng operasyon ang AFP at PNP laban sa iisang grupo ng mga rebeldeng NPA sa liblib na bayan ng Sta. Rita, Samar. Sa loob ng anim na araw, nasa 16 na miyembro ng Army’s 87th Infantry Battalion ang nananatili sa bulubunduking bahagi ng barangay San Roque. Habang tinutugis din ng puwersa ng PNP regional mobile force battalion ang nasabing grupo ng NPA na humantong nga sa pakikipagpalipatan ng bala.
Malinaw na may kakulangan sa komunikasyon sa radyo sa pagitan ng dalawang grupong nagsagawa ng operasyon. At mas mahalaga dito, walang koordinasyon na naganap sa pagitan ng dalawang ahensiyang tagapagtanggol ng bansa—ang AFP at PNP—kahit pa iisang grupo ng rebelde ang target ng kanilang operasyon sa iisang rehiyon ng bansa.
Kapwa nagsagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang dalawang ahensiya at sa ngayon ay malamang na natukoy na nila kung ano ang naging pagkakamali sa operasyon. Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang imbestigasyon sa insidente, inihayag ni presidential spokesman Harry Roque na wala umanong dapat idiin na sisi sa sinuman bilang hakbang na rin ito upang masigurong hindi na muling mangyayari ang insidente.
Ang naganap na misencounter sa Samar ang nagpaalala sa ilan sa nangyaring insidente ng Mamasapano noong Enero, 2015, kung saan 44 na miyembro ng PNP Special Action Force ang nilagas ng grupo ng mga rebeldeng Moro, habang naghihintay ng suporta sa militar na nakadestino malapit sa lugar. Dahil sa insidenteng ito, naharap sa imbestigasyon ng Senado si dating Pangulong Aquino at ang kanyang AFP chief-of-staff.
Ang insidente sa Samar ay hindi kasing-tindi ng Mamasapano, ngunit ang dalawang pangyayari ay mula sa iisang problema ng kawalan ng komunikasyon, at kakulangan ng koordinasyon sa operasyon. Ang imbestigasyon sa misencounter sa Samar ay dapat na makatulong sa dalawang pangunahing ahensiyang tagapagtanggol ng bansa, upang magtulungan at epektibong malabanan ang banta kriminalidad at ang tangkang pagwasak sa bansa.