Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkuwentro sa tropa ng gobyerno Magpet, North Cotabato nitong Biyernes.
Ayon kay First Lt. Tere Ingente, hepe ng of 4th Infantry Division Public Affairs Office, nangyari ang sagupaan ng 19th Infantry Battalion at nasa 50 miyembro ng Pulang Bagani Command 2 ng Southern Mindanao Regional Committee sa Barangay Don Panaca sa Magpet, bandang 6:45 ng umaga.
Sinabi ni Ingente na tumagal ng isang oras ang bakbakan at tatlong rebelde ang nasawi, habang isang M16 rifle ang nasamsam.
Samantala, dinakip naman ng pulisya ang 12 kataong iniuugnay sa NPA habang nagsasagawa ng meeting sa loob ng Mother Francisca retreat house sa Bgy. Lagao sa General Santos City. Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Aldem Yanez, miyembro ng Iglesia Filipina Independiente; Emillo Gabales; Bella Catubay; Rosemarie Cantano, 21; Annaliza Avenido; Erenio Udarbe; Roger Plana; Virgilio Sanama; Vennel Chenfo, ng Kabataan Party-list; Kristine Cabardo, ng League of Filipino Students; Teresita Naul ng Karapatan human rights group; at Jumurin Goaynun.
Kinasuhan na ng pulisya ng obstruction of justice ang 12, na pumalag pa sa pagdakip ng mga awtoridad.
Sinabi pa ng pulisya na kinukumpirma pa nila ang impormasyong kapwa nahaharap sa murder sina Catubay at Gabales.
-0Francis Wakefield at Joseph Jubelag