Ni Marivic Awitan
TUNAY na ang maliit ay nakapupuwing.

NAKIPAGSABAYAN din ang PH men’s team sa foreign rival sa World Tour Manila Open beach volleyball. (RIO DELUVIO)
Binigyan kahulugan nina Sisi Rondina at Dzi Gervacio ng Team Philippines ang matandang kawikaan nang gapiin ang six-footer na karibal na sina Lindsey Fuller at Kaley Melville, 21-12, 21-16, sa pagsisimula kahapon ng FIVB Beach Volleyball World Tour Manila Open sa Sands by the Bay sa MOA ground.
Sa kabila nang maiksing panahon para magensayo bilang magkasangga, naungusan ng Pinay ang American rivals gamit ang bilis at diskarte na kinagiliwan ang home crowd.
Inamin ni Rondina, three-time beach volleyball titlist UAAP titlist mula sa University of Santo Tomas, na mabigat ang kanilang haharaping laban, ngunit ngayon pa lamang iwinaksi na niya ang kaba at takot.
“Nilaro lang namin, ako, honestly, hindi ako yung nai-intimidate na ‘Uy ang lalaki nila, ang tatangkad nila,” aniya.
“Parang sino-showcase ko na lang kung ano ang kaya kong gawin, na kayang ipagmalaki ng mga Pilipinong nanonood sa amin.”
Nakausad ang Pinay sa 13-8 bentahe sa first set, at nanatiling abante sa 15-11 bunsod nang depensa sa ibabaw ng net.
Nakabawi ang American sa pagsisimula ng second set, ngunit nanindigan sina Rondina at Gervacio para kunin ang 17-10 bentahe tungo sa straight set win.
Sunod na makakaharap nina Rondina at Gervacio ang tambalan nina Paula Soria Guttierez at Maria Belen Caro ng Spain, nagwagi laban kina South Africa’s Simone Sittig at Luciana Pierangeli, 21-8, 21-9.
Hindi naman natularan nina Pinay wildcard DM Demontaño at Jackie Estoquia ang hataw ng kababayan nang mabigo kina Michelle Amarilla at Erika Bobadilla ng Paraguay, 19-21, 13-21.
Nabigo rin sina Beach Volleyball Republic founders Charo Soriano at Bea Tan laban kina Japanese Ayumi Kusano at Takemi Nishibori, 10-21, 9-21, habang kinapos sina two-time BVR national champions Karen Quilario at Lot Catubag kina Malaysia Open silver medalists Katja Stamand at Julia Wouters ng Netherlands, 14-21, 11-21.