Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN
Magiging legal na ang pamamasada ng mga transport vehicle sa mga tourist destination sa bansa.
Ito ay makaraang tiyakin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada na bibigyan na ng ahensiya ng prangkisa ang mga colorum van na ginagamit ng mga turista sa pagdayo sa mga tourist spot sa bansa, katulad ng Siargao Island sa Surigao del Norte.
Ginagawa na, aniya, nila ang paraan upang maisakatuparan na ang kanilang hakbang.
Sinabi ni Lizada na natuklasan ng mga opisyal ng LTFRB at ng Land Transportation Office (LTO), na bumisita kamakailan sa Siargao island, na maraming transport vehicle ang nag-o-operate sa kabila ng kawalan ng permit o prangkisa.
“We have been to Siargao at pagdating doon, puro colorum ang vans. Mga brand new pero walang prangkisa,” sabi ni Lizada.
Inamin ni Lizada na hindi dumaan sa inspeksiyon ng LTFRB ang mahigit 100 van na namamasada sa isla.
Wala rin aniyang insurance ang mga ito sa kabila ng paghingi ng mga ito ng P30,000 service fee sa bawat unit na ipinarerenta sa mga turista.
Nakipag-usap na rin, aniya, ang LTFRB sa mga operator ng mga van sa lugar at napagkasunduan nilang pag-iisahin na lamang ang kanilang aplikasyon para mabigyan kaagad ng tourist transport franchise ang mga ito.