Ni Reggee Bonoan
MIXED emotions ang nararamdaman nila Daniel Padilla, Kathryn Bernardo at Richard Gutierrez sa nalalapit na pagtatapos ng La Luna Sangre. Aminado sila na mami-miss nila ang mga katrabaho nila sa loob ng mahigit siyam na buwan.
“Actually, hindi pa masyadong nagsi-sink in kasi as of now busy kami sa pagtatapos ng La Luna Sangre, pero ngayong may presscon na, ngayon ko naiisip na patapos na talaga,” pahayag ni Richard. “But more than anything, I’m thankful na na-appreciate ng audience ‘yung show from the beginning until now. Fulfilling ‘yun as an actor.”
“Isa na namang project natin ang patapos na ulit at nagpapasalamat kami sa experience,” sabi naman ni Daniel. “First fantaserye kasi namin (ni Kathryn Bernardo), bilang vampire at lobo so naging masaya naman, rollercoaster ride ng La Luna Sangre. Kaysa isipin natin ang stress, mas isipin natin ‘yung sayang ‘binigay ng show at naging close kaming lahat. And sa lahat ng sumuporta, simula hanggang ngayon, maraming salamat.”
Nasabi ni DJ na stressed sila dahil nahirapan silang gawin ang fantaserye.
“Oo, hindi lang naman kami puro arte rito dahil mayroon din naman kaming action, hindi madaling mag-aksiyon kasi sa isang teleserye dahil may hinahabol na airing. Hindi naging madali na katulad ng movie na mayroon kang oras, sa serye wala kang oras, kailangan dire-diretso. So ‘yun ang ibig kong sabihin na minsan nakaka-stress pero masaya pa rin at nasa mindset mo kung paano mo dadalhin,” pahayag pa ni DJ.
Parehong naka-shades sina Richard at Daniel nang humarap sa finale presscon ng La Luna Sangre dahil hanggang 4AM daw sila nag-shoot ng fight scenes. Patapos na kaya itinotodo na nila lahat.
“Kami as a group kahit alas tres o alas kuwatro ng umaga kanina ay masaya pa rin naman kami at nakangiti kasi siyempre excited din naman kami sa mga gusto naming ipakita sa audience namin,” saad ni Daniel.
“Halu-halo rin po ang napi-feel ko kasi unang-una nahirapan ako sa mga ginawa ko kasi hindi biro ‘yung adjustments na ginawa ko as Malia,” sey ni Kathryn. “Ang daming firsts na ginawa ko kaya hindi ko makakalimutan at ang importante ‘yung relationship na nabuo ko rito sa show, feeling ko ‘yun ‘yung pinakamami-miss ko, the LLU (La Luna Unida), Moonchasers and everyone sa set talaga. Hindi naging madali para sa lahat, sa mga direktors, sa staff. Importante ang nabuong pamilya sa set at natutunan namin ng ilang buwan.”
May mga natutuhan sina Daniel at Kathryn sa LLS.
“Yung pagmamahal, ‘yan pa rin ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Kasi, alam naman natin ang pinagdaanan nina Malia and Tristan.
“At the end of the day, kahit gaano kasama ‘yung isang tao, puwede mo yung mabago dahil sa pagmamahal. ‘Yun ang natutunan ko na maa-apply ko in real life,” sabi ni DJ.
“Hindi naging madali ang journey nina Malia at Tristan. Pero importante dun, hawak-kamay sila para malampasan lahat.
In real life, may challenges na darating, hindi lahat ng panahon makikisama sa amin. Pero ang importante, hawak-kamay namin ‘yun na haharapin,” katwiran ni Kath.
Bilang Tristan at Malia ay ipinaglalaban nila ang kanilang pagmamahalan, ganito rin ba sila sa totoong buhay?
“Hanggang nagmamahalan kami, oo. Siyempre hanggang nagmamahalan kayo, doon n’yo ipaglalaban hangga’t meron,” sagot ng aktor na dinagdagan ni Kath ng, “Hangga’t gusto n’yo.”
“Ano pa ang ipaglalaban n’yo kung wala na, di ba?” salo uli ng binata.
“Nasabi na, kung hanggang kailan namin gusto ipaglaban,” ani Kath.
“Hanggang may katuwiran ka, eh, ipaglaban mo,” natawang dugtong ni Daniel.
So, ano ang pasabog na aabangan ng viewers sa serye nila?
“Abangan na lang po kasi kami rin hindi pa namin alam kung paano dahil nagso-shoot pa po kami. Nai-excite nga po kami kung ano ang mangyayari,” duetong sabi nina DJ at Kath.
May US tour ang KathNiel sa Marso at Abril na sila babalik. Magpapahinga sila ng dalawang linggo at saka naman sasabak sa bagong pelikula nila sa Star Cinema na ididirihe ni Cathy Garcia-Molina.