Nina LEONEL M. ABASOLA at HANNAH L. TORREGOZA, at ulat ni Argyll Cyrus B. Geducos
“Mahirap sagutin ang isang bintang na wala kang kinalaman!”
Ito ang paninindigan kahapon ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa kanyang pagharap sa unang araw ng pagdinig ng Senado kaugnay ng frigate deal ng Philippine Navy.

Aniya, kailanman ay hind niya tinangkang pakialaman ang P15.7-bilyon frigate deal, na nabuo at nakumpleto bago matapos ang administrasyon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III noong Hunyo 2016.
“Tapos na po ito sa panahon ng Aquino administration. Walang nabago, walang binago, walang nakialam, at walang pinakialaman sa kontrata. Pangit man pakinggan, pero matatawag na photo finish ang kontrata, dahil hinabol po ito bago matapos ang Aquino Administration,” paliwanag ni Go.
“Inosente at idinamay lang po ako sa isyung ito upang siraan ang administrasyon ni Pangulong (Rodrigo) Duterte,” dagdag pa niya.
Sinisi rin ni Go ang aniya’y malisyosong pag-uulat ng ilang media outlets tungkol sa nasabing kontrobersiya.
Partikular na binanggit ni Go ang pahayagang Philippine Daily Inquirer at online media na Rappler sa pagpapakalat umano ng “fake news”, na nakialam umano siya sa pagpili ng supplier ng combat management systems para sa dalawang barko ng Navy.
“Ang pinag-uusapan po ngayon ay naging issue lamang nang maglabas ang Rappler at Inquirer ng fake news at sinabi na ako daw po ay nakialam,” sinabi ni Go sa pagdinig kahapon ng Senate committee on national defense sa isyu.
“Dahil ang lahat ng ito nagsimula galing sa irresponsible reporting, I would also like to sincerely request the Senate to continue with the hearing and investigation on fake news, at baka puwede ninyong ipatawag ang Rappler at Inquirer sa susunod na hearing at para matanong naman naman sila sa sinulat nilang balita,” hiling pa ni Go. “Hindi lang po ako ang biktima dito, marami po tayo.”
Hinamon din ni Go si Senator Antonio Trillanes IV na panindigan ang mga inihayag nito na wala siyang kinalaman sa kontrobersiya.
Matatandaang sinabi ni Trillanes sa isang panayam kamakailan na naniniwala siyang walang kinalaman si Go sa isyu, dahil si Duterte umano ang nakialam sa nasabing kasunduan.
Sinabi naman ng Malacañang kahapon na nabigo ang mga kaaway sa pulitika ng Pangulo na maisangkot ang huli sa frigate deal sa naging pagharap ni Go sa Senado.
“Ang hamon po kay Senator Trillanes ay ilabas ang ebidensiya. Napakadali pong magbato ng ganyang mga paratang pero mahirap magbigay ng pruweba,” sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang panayam sa radyo. “Sa amin ay malinaw naman po na nagdeklara na si Senator Trillanes na ang ipinapahiwatig niya ay diumano si Presidente ang nasa likod ng lahat ng ito.”