Ni Nitz Miralles
NANINIWALA ang mga nakabasa sa Facebook post ni Jenine Desiderio na “Makapal na sinungaling pa” ay mas patungkol kay Elmo Magalona kaysa sa anak na si Janella Salvador.
Dahil sa presscon ng My Fairy Tail Love Story, mas sinagot ng mahusay ni Elmo ang gatecrasher isyu na laman din ng tweet ni Jenine noong Holiday Season.
Sa interview kay Elmo, idinepensa nito ang sarili at sinabing, “Hindi ako gate crasher. Inimbita ako” na obviously, si Janella ang nag-imbita sa kanya sa Christmas reunion ng pamilya nito.
Nabanggit din ni Elmo sa interview sa kanya na naiintindihan niya kung bakit protective sa anak si Jenine, normal lang daw ‘yun sa mga ina towards their daughters.
“Ginagawa ko naman ang tama para hindi siya magalit sa akin. Sa bahay ko binibisita si Janella,” sabi ni Elmo.
Showing sa February 14 ang My Fairy Tail Love Story at wish ng Regal Entertainment, fans nina Elmo at Janella at pati na rin siguro ni Direk Perci Intalan na hindi sabayan ni Jenine ng cryptic tweets ang promo ng movie.
Base sa trailer, maganda ang pelikula at mas okay kung doon itutuon ang attention ng moviegoers at hindi sa mga isyu na hindi makakatulong sa pelikula.