Ni NIÑO N. LUCES, at ulat nina Ellalyn De Vera at Mina Navarro
LEGAZPI CITY, Albay – Kinumpirma kahapon ng Albay Provincial Health Office (PHO) na ilang pinagkukuhanan ng tubig sa mga evacuation center sa lalawigan ang kontaminado ng dumi ng tao o hayop, at coliforms.
Sinabi ni Engr. William Sabater, ng Albay PHO, na ito ay batay sa water sampling na isinagawa nila kamakailan, nang natukoy nilang sa 42 water sources ay 12 ang pumasa sa kalinisan, habang 30 naman ang nakumpirmang kontaminado.
“We made water sampling to 60 water sources, including water refilling stations, and 42 of it were water sources like shallow well, water pumps, faucets connected to water districts and other water sources,” ani Sabater.
Aniya, ang tubig na natukoy na kontaminado ay mayroong fecal coliforms, o may dumi ng tao o hayop, na nangangahulugang mayroong fungus.
“Nakikiusap po kami sa media, sana ma-advise natin ‘yung mga evacuees na huwag iinom ng tubig sa mga gripo kung saan-saan diyan, sa mga poso. At dapat dun lang sa ibinibigay natin sa kanilang tubig, dahil cleared ‘yan ng PHO,” ani Sabater. “Para maiwasan ‘yung mangyari ulit na disaster, dapat ‘wag sila iinom sa hindi cleared ng PHO.”
Nagsimula na ring magrasyon ng inumuming tubig ang pamahalaang panglalawigan sa mga bakwit. “Naglagay kami ng mga water dispensers, at ‘yung tubig nila mineral water. It is first time in the Philippines na ginawa natin to kung saan, mineral water ‘yung binibigay natin,” sabi ni Sabater.
“May nadiskubre kaming kaso ng diarrhea sa mga evacuation centers. Sampu sa bayan ng Camalig, at tsaka anim sa bayan ng Malilipot. Hindi pa naman natin masabi na outbreak ito kasi konti pa lang naman sya,” sabi pa ni Sabater.
Nitong Miyerkules, umabot sa 1,000 metro ang taas ng abo na limang beses na ibinuga ng Mayon.
Samantala, nangako ang Department of Agriculture (DA) na magpapautang ng P50 milyon sa mga magsasakang apektado ng pagsabog ng bulkan.
Aabot sa 9,791 magsasaka sa 10 munisipalidad sa Albay ang apektado ng Mayon.
Gayundin, nagpadala ng Rapid Employment Assistance for Mayon (DREAM) Team ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa tanggapan nito sa Bicol upang mangasiwa sa pamamahagi ng P10 milyong emergency employment sa mga manggagawang apektado ng pag-aalburoto ng Mayon.