Ni Johnny Dayang
MGA 86,000 katao na umano ang bilang ng mga bakwit o nagsilikas dahil sa lalong tumitinding pag-aalboroto ng Bulkang Mayon sa Albay na ngayon ay nasa Alert Level 4 na. Marami sa kanila ang nagkakasakit na sa mga silid-aralang ginawang evacuation center na kulang sa mga palikuran at banyo. Sadyang kritikal ang pangangailangan nila ng ayuda.
Sa talaan ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction Council ang mga bakwit na nasa mga evacuation center na umabot na sa 79,121 katao o 21,693 pamilya. Libu-libo pa ang nakikisilong sa tahanan ng kanilang mga kamag-anak sa labas ng danger zone.
Dahil dito, mariing nakikiusap si Albay Rep. Joey Salceda, ng tulong ayuda para sa mga bakwit na halos kalahati ay mula sa ika-2 distrito ng Albay na kanyang kinakatawan sa Kongreso. Dahil naging gobernador siya ng Albay ng siyam na taon hanggang 2016 nang bumalik siya sa Kamara, kabisado niya kung paano nagdurusa ang mga Albayano kapag humahagupit ang kalamidad. Bukod sa pana-panahong pagsabog ng Mayon, binubugbog din ng malalakas na bagyo ang Albay taun-taon.
Inaasahang may tutugon agad sa pagmamakaawa ni Salceda. Noong siya’y gobernador, kaagad niyang idine-deploy ang Team Albay nila sa ibang mga rehiyon, lalawigan at lungsod na sinalanta ng kalamidad. Nakapaloob sa Albay Team ang ‘search/rescue, sanitation, medical and water purification teams’ nito, bukod pa sa ayudang pagkain, pondo at iba pang tulong para sa mga sinalanta. Ang kasalukuyang pagsabog ng Mayon ay pagkakataon naman para sa ilang mga LGU at iba pa upang gantihan ang kabutihang loob ng Albay sa kanila sa nakaraan.
Sa isang panawagan, nagmakaawa si Salceda ng ayuda para sa kanilang mga bakwit. Kailangan nila ang tuluy-tuloy na suplay ng pagkain, inuming tubig at iba pa, dahil walang makapagsasabi kung kailan matatapos ang pagsabog ng Mayon.
Sa nakaraang mga pagsabog nito, tumagal ang mga bakwit ng maraming buwan sa mga evacuation center. Noong 2006, tumagal sila ng 147 araw, at 185 araw naman noong 2009.
Mainam nga yatang tulungan ng pamahalaang nasyunal ang mga LGU, lalo na sa mga lugar na madalas salantain ng mga kalamidad, sa pagtatatag ng mga permanenteng evacuation center. Kailangan ito dahil dumadalas at nagiging lalong malupit ang mga kalamidad. Mayroong ganitong mga permanenteng evacuation center ang Albay na itinayo ni Salceda nang siya pa ang gobernador, na may ayudang pinansiyal mula sa pamahalaan ng bansang España, ngunit hindi sapat ang mga iyon. Nagsisilbi ring silid-aralan ang mga evacuation center ng Albay kapag walang mga bakwit.