Sinabi ni Jesus sa kanyang nga alagad: “Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.
“‘Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
“Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.”
PAGSASADIWA:
Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.—Makikita natin sa Unang Pagbasa na dahil sa galing at marubdob na pangangaral ni San Esteban, binato siya hanggang sa mamatay ng mga hindi naniniwala sa katotohanang kanyang pinanindigan at ipinahayag. Bagamat nanganib ang buhay niya dahil sa poot ng kanyang mga kaaway, nanatili siyang matatag.
Literal niyang isinabuhay ang sinasabi ngayon ni Jesus sa ating ebanghelyo: “Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas” (b 22).
Si San Esteban ang unang nagdilig sa pamamagitan ng sarili niyang dugo sa pananampalatayang ipinunla ni Kristo sa buhay ng mga unang Kristiyano. Nasundan pa ito ng maraming kuwento ng pagkamartir ng mga bayani ng ating pananampalataya na siyang patuloy na nagpalago sa buhay ng ating Iglesya noon at hanggang ngayon.