Isang araw, nagtuturo si Jesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus.
Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.”
PAGSASADIWA:
Kaibigan, pinatawad ka sa iyong mga kasalanan.—Nakita ni Jesus na higit sa pisikal na kagalingan, nangangailangan din ang taong inilapit sa kanya ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan. Bagamat hindi natin natitiyak ang dahilan ng kanyang pagkakasakit, posibleng naging pabaya din siya sa kanyang sarili kaya siya nagkasakit.
Dahil sa kanyang karamdaman, maaaring dumating sa punto ng buhay niya na sinisi niya ang Diyos. Kung meron mang dahilan na hindi natin alam, iyon ay alam ng Panginoon. Alam niya ang lahat ng bagay at alam din niya kung ano ang mas kinakailangan natin. Kung unang ibinigay ni Jesus ang kapatawaran sa kasalanan ng maysakit bago pa ang pisikal na kagalingan, iyon ay dahil sa alam ng Panginoon na mas mahalaga iyon para sa taong kanyang pinagaling.