Pagdating ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.”
Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac, at Jacob sa Kaharian ng Langit.”
PAGSASADIWA:
Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko.—Ito ang dinadasal natin bago natin tanggapin si Jesus sa Banal na Pakikinabang sapagkat ito naman ang totoo. Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa biyayang matanggap ang Kabanal-banalang Katawan ng Panginoon sapagkat tayong lahat ay makasalanan. Ibinibigay sa atin ni Jesus ang kanyang Katawan hindi dahil karapat-dapat tayo kundi dahil sa kagandahang-loob niya sa atin. Totoo din ito sa ating pagsilang. Niloob ng Diyos na isilang tayo sa mundong ito hindi dahil karapat-dapat tayong isilang. Ang buhay natin sa daigdig na ito ay bunga ng kagandahang-loob ng Diyos.
Sa ating pagsilang, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng buhay. Sa Banal na Komunyon, buhay din ni Jesus ang kaloob sa atin ng Diyos. Ngunit higit pa sa buhay na pansamantala sa mundo ang kaloob niya sa atin sapagkat sa Eukaristiya, buhay para sa ating mga kaluluwa ang handog sa atin ni Jesus.