Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis.
“Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo.
“Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan silang magsulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta… Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika’t makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’
‘Kalagin ang gapos ng takot’
Naranasan ko na ang kapangyarihan ng takot. Natatandaan ko pa ang pakiramdam tuwing oras na ng klase sa isang “terror” na propesor ko sa law school.
Subsob ako sa pag-aaral para sa klase niya. Lahat ng kasong ipinababasa niya, binabasa ko; hindi ako natutulog hanggat hindi ko tapos ang lahat ng mga ipinababasa niya; tasa-tasang kape ang nauubos ko, huwag lamang akong makatulog. Pero parang nawawala ang lahat ng pinag-aralan ko kapag tinawag na niya ako para mag-recite. Sabihin pa lang niyang “Mr. Martinez,” pakiramdam ko’y naiihi na ako sa kinatatayuan ko. Maya-maya, blangko na ang utak ko at ang katapusan—70% ako sa recitation.
Ganyan katindi ang kapangyarihan ng takot. Kahit gaano ka kahanda, balewala kapag naunahan ka na ng takot. Ganito ang nangyari sa nakatanggap ng isang talento sa talinhaga sa ebanghelyo ngayon.