NEW YORK (AP) – Nagmintis lang ng isang rebound si James Harden para sa triple double performance sa panalo ng Houston Rockets sa Knicks, 117-95, nitong Lunes (Martes sa Manila) sa NBA pre-season game.
Kumubra si Harden ng 36 puntos, 11 assists at siyam na rebounds para iparamdam ang marubdob na hangarin para sa katuparan ng kanyang misyon – ang NBA title.
Matikas ang Rockets sa 3-0 sa pre-season, habang wala pang panalo ang Knicks sa dalawang laro.
Nanguna si Tim Hardaway Jr. sa Knicks sa naiskor na 21 puntos.
HAWKS 100, GRIZZLIES 88
Sa Atlanta, hataw si Dennis Schroder sa natipang 21 puntos sa panalo ng Hawks kontra Memphis Grizzlies.
Kumubra si Malcolm Delaney ng 15 puntos para sa Hawks na tumipa sa 2-2 karta.
Nanguna si James Ennis sa Memphis na may 14 puntos.
PISTONS 107, PACERS 97
Bumalikwas ang Detroit Pistons sa krusyal na sandali para maitarak ang come-from-behind na panalo kontra Indiana Pacers.
Naungusan ng Detroit ang Indiana, 30-15, sa 3-point line, at 26-11 sa points off turnovers.
Kumana sina Ish Smith, Reggie Jackson at Boban Marjanovic ng tig-14 puntos para sa Pistons.
Nagsalansan si Damien Wilkins ng 14 puntos sa Indiana.
HEAT 109, HORNETS 106
Sa Miami, naisalpak ni Justise Winslow ang layup may 23.7 segundo ang nalalabi para sandigan ang Heat sa dikitang laban kontra Charlotte Hornets.
Nag-ambag sina Josh Richardson at Tyler Johnson ng tig-18 puntos sa Miami, habang tumipa si Dion Waiters ng 11 puntos at 11 rebounds.
Nanguna sina Malik Monk at Dwight Howard sa Charlotte sa naiskor na 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.