May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan n’yo sila. Huwag n’yong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
PAGSASADIWA:
Huwag n’yong pigilang lumapit sa akin ang mga bata.—Hindi sapat na malapit tayo sa Diyos. Dapat nating ilapit din sa Diyos ang ating kapwa. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na maglalayo ng ibang tao sa Diyos. Misyon natin ang akayin ang kapwa papalapit sa Panginoon. Binigyang-linaw ito ng Panginoon sa ebanghelyo. Hindi dapat hadlangan ng mga alagad ang paglapit ng mga bata sa kanya.
Malaking hamon ang ibinibigay ni Jesus sa bawat Kristiyano. Tungkulin nating ipahayag at ipakilala ang Diyos sa ating kapwa. Mahigpit ang tagubilin na umiwas tayo sa anumang gawain na magiging dahilan upang masira ang pananampalataya ng ating kapwa at tuluyang lumayo sa Diyos.