Ni Edwin G. Rollon
Imbitasyon ng POC sa ‘send-off’ , tinabla ni Digong.
HUMINGI ng paumanhin ang Pangulong Duterte sa kabiguang makadalo sa ‘send-off’ ng Philippine Team na isasabak sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 10.
Sa pamamagitan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, sinabi ng Pangulo na hindi siya makakasalamuha ng mga atletang Pinoy bunsod nang pagdalo sa ilang ‘official function’ tulad ng ginaganap na ASEAN Ministers Meeting.
Ipinaabot naman ng Pangulong Duterte at pagbati sa mga atleta, kasabay ang hamon na magpakatatag at maguwi ng medalya sa bansa.
“Ikinalulungkot po naming sabihin sa ating mga atleta na hindi po natin makakasama ang Pangulong Duterte sa send-off.
Sunod-sunod po ang official function ng ating mahal na Pangulo. Pero, ipinararating niya ang pasasalamat at pagbati sa lahat ng miyembro ng National Team,” pahayag ni Ramirez sa isinagawang media briefing kahapon sa PSC.
“Ipinaaabot din niya ang kanyang dalangin sa inyong tagumpay at ang hamon niya ay gawin ninyo ang inyong makakaya para tayo ay magtagumpay,” sambit ni Ramirez.
Laglag sa ikaanim na puwesto ang Team Philippines sa nakalipas na 2015 Singapore edition sa napagwagihang 29 gintong medalya.
Pinangunahan ng Pangulong Duterte ang ‘send-off’ sa Malacanang para sa Team Philippines na sumabak sa 2016 Rio Olympics.
Ngunit, sa pagkakataong ito, naging masikip ang iskedyul ng Pangulo.
Subalit, ang kawalan ng tamang protocol para kumpirmahin ang imbitasyon sa Pangulong Duterte ang tila nakasama sa panimpla ng Malacanang.
Nagkaroon umano ng suliranin sa ‘protocol’ nang diretsang nagpahatid ng imbitasyon hingil sa ‘send off’ si Chief de Mission Cynthia Carrion.
Itinanggi naman ito ni Ramirez kasabay nang pahayag na may karapatan ang Philippine Olympic Committee (POC) na sumulat ng direkta sa Pangulong Duterte.
Ngunit, sa record ng PSC-NCA Affair, ang unang sulat ng POC hinggil sa paghingi ng abiso sa Malacanang para sa send-off ay nakabinbin pa sa Presidential Management Staff (PMS).
“Nagulat kami at nagpasabi na ang Pangulo na ako na lang ang pumunta sa send-off, eh! ang pagkakaalam ko inaaayos pa ng PMS yung request. Okey sana kung dumaan sa amin kasi kung ma-reject at least puwede kaming mag-appeal,” sambit ni Ramirez.
Sa kabila nito, sinabi ni Ramirez na kargo ng ahensiya ang gastusin sa send-off na nakatakda sa Agosto 10 sa ‘Centris’.
Mahigit 500 atleta at opisyal ang bahagi ng delegasyon ng bansa sa biennial meet. Huling nagkampeon ang Pilipinas dito noong 2005 na ginanap na Manila.